Filing ng COCs simula na bukas

PORMAL nang magsisimula bukas, Lunes, ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga aspiring candidates para sa 2013 national and local elections.

Tiniyak naman ng Commission on Elections (Comelec) na handa na sila para sa limang araw na COC filing mula bukas hanggang sa Biyernes (Oktubre 5).

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, inaasahan na nila ang pagdagsa ng maraming tao sa mga Comelec offices at nagkaroon na rin sila ng dry run sa Comelec headquarters sa Intramuros, Manila para dito.

Nais umano kasi nilang makita kung ano ang magiging daloy ng tao sa mga filing center, partikular na sa national candidates dahil dito, aniya, inaasahan na maraming ‘drama’ at ‘excitement.’

“Nagkaroon kami ng isang dry run dahil gusto nating makita kung ano ‘yung magiging flow ng mga tao sa Filing Center. Ang tinutukoy ko ‘yung pang-national lang kung saan ine-expect natin na maraming drama at excitement,” ani Jimenez.

“Today (Sunday) naghahanda na rin kami sa lugar… All over the country, ganun din,” aniya pa.

Kinumpirma rin ni Jimenez na istrikto ang kanilang iskedyul at hanggang 5:00 lang ng hapon sa Biyernes, ang huling araw ng COC filing, sila tatanggap ng aplikasyon.

“Ngayon, ang filing natin ay hanggang October 5, alas-5:00 ng hapon mula alas-8:00 ng umaga, office hours po ‘yan,” aniya pa.

Matatandaang nakaugalian nang hanggang 12:00 ng hatinggabi ang COC filing pagsapit ng huling araw nito.

Kaugnay naman nito, mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng pulisya sa paligid ng mga tanggapan ng Comelec sa buong bansa upang matiyak na magiging maayos ang paghahain ng kandidatura ng mga kandidato.

Nabatid na ang mga tatakbong senador ay maghahain ng kandidatura sa Comelec main office habang ang mga local na kandidato ay sa local na Comelec offices naman.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply