Filing of CoC sa susunod na linggo, tuloy na

TULOY na tuloy na ang filing ng certificate of candidacy (CoC) ng mga kandidato na tatakbo sa May 2013 mid-term elections sa susunod na linggo.

Ito’y matapos na hindi pagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang kahilingan ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na maipagpaliban sa Nobyembre ang filing period.

Ang paghahain ng CoC ay itinakda ng Comelec sa Oktubre 1 hanggang 5 ngunit hinihiling ni Macalintal na gawin na lang ito sa Nobyembre 15 hanggang 20.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., hindi nila maaaring pagbigyan ang kahilingan ng election lawyer upang makapaglabas na sila ng pinal na listahan ng mga kandidato pagsapit ng buwan ng Enero, 2013.

Ipinaliwanag pa ni Brillantes na limang buwan na ang nakararaan nang ilabas nila ang resolusyon hinggil sa petsa ng paghahain ng CoC at wala namang nagpahayag nang pagtutol o paghingi ng ekstensyon hinggil dito.

Aniya pa, kung i-extend pa nila ng dalawang linggo ang filing period ay mababawasan sila ng panahon para sa pagdinig sa mga ihahaing disqualification cases, pagtukoy ng nuisance candidates, at iba pang mahahalagang detalye hinggil sa halalan.

Ayon sa Comelec chief, itinakda nila ng maaga ang filing period upang maiwasan ang scenario na naganap noong taong 2010 kung saan ang mga pangalan ng mga nuisance o disqualified candidates ay naisama sa mga balota.

Hindi rin umano niya maintindihan kung bakit iginigiit ni Macalintal na kailangang i-extend ang deadline ng filing ng CoC.

Una nang hiniling ni Macalintal sa Comelec na ilipat ang petsa ng filing ng CoCs para sa halalan sa susunod na taon upang maiwasan ang paggamit ng mga appointed official ng dummy na maghahain ng kanilang CoC.

Makatutulong din umano ang extension para mabigyan ng sapat na panahon ang mga kandidato na resolbahin ang kanilang nakabinbing voter’s registration na requirement sa paghahain ng kandidatura.

Nabatid na mahigit sa 18,000 elective posts ang inaasahang pupunuan sa 2013 midterm polls. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply