Finish national nasalisihan ng 330 Euro, digicam

ARESTADO ang isang lalaki matapos na salisihan at mawalan ng mamahaling digital camera at halagang 330 Euro ang isang Finish national habang umiinom sa isang bar sa CCP Complex kaninang madaling araw.

Kasalukuyang nakakulong ngayon ang isa sa suspek na si Joselito Transmonte na itinuturong responsable sa pagkawala ng pera at gamit ng banyaga.

Personal na nagtungo sa Manila Police District-General assignment Section (MPD-GAS) ang biktima na si Tuomas Petteri Evert Celarotu, 25, binata, Finish National, estudyante at pansamantalang nakatira sa 903 Burgundy Tower 1004 Malate, Maynila at may foreign address na Etalarata 539500 Ikaalienen, Finland.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Bautista, imbestigador ng MPD-GAS, naganap ang insidente sa loob ng Coal bar  na matatagpuan sa Harbor Square CCP Complex Pedro Bukaneg St., Maynila.

Nabatid na nakikipag-inuman umano ang biktima kasama ang iba pang kalahi nang lapitan ito ng grupo ng suspek na nakapwesto sa kabilang lamesa.

Isang nagngangalang Venus at Liza umano ang lumapit sa biktima at tila inakit at umupo pa ang isa sa kalong ng dayuhan at inumpisahang akitin at hipuin ang buong katawan ng biktima.

Makalipas ang ilang minuto tinawag ng dalawang babae ang isa pang kasamang babae na nagngangalang Jenny, ay doon iginapang ang kanyang kamay sa maselang parte ng katawan ng banyaga.

Nang maisakatuparan ang pakay ay nagpaalam ang mga babae at sinabing may bibilhin lamang sa labas ngunir hindi na bumalik pa sa bar.

Huli na nang madiskubre ng biktima na nawawala na ang kanyang kulay itim na knap sack na bag na pinaglagyan ng digital camera at wallet na naglalaman naman ng 330 Euro o katumbas ng halos P20,000.

Bunsod nito, agad na nagreklamo ang biktima sa tourist police na nakatalaga sa lugar na siya namang nagrekomenda sa biktima na maghain ng reklamo sa MPD-GAS.

Nakatakdang sampahan ng robbery ang suspek habang nagsasagawa ng follow up operation ang pulisya upang matunton ang kasabwat nito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply