Gen. James Melad umaaksyon

SA WAKAS, kumilos din ang liderato ng Pambansang Kapulisan dahil matapos ang walang-puknat na pagbubulgar natin sa operasyon ng STL-con-jueteng sa Batangas, sila’y nagsagawa ng raid at nadakip ang isang lady gambling lord.

Yan nga ang sinasabi natin eh, kapag ayaw magtrabaho, talagang hindi magtatrabaho pero kung gustong magtrabaho, sila’y  nakahuhuli ng mga iligalista at kriminal. Sa totoo lang, ganyan ang nangyayari sa kapulisan.

Ganyan ang karaniwan nating naoobserbahan sa police organization. Wala silang sariling palo. Nasa tungki na ng kanilang mga ilong at kitang-kita na ng kanilang mga mata ang krimen at iligal, pero ayaw pa ring kumilos. Lalo na kapag iligal na sugal ang pag-uusapan. Sori sa ating lengguwahe pero sa totoo lang) napakatamad ang mga pulis na magresponde kapag ang inirereklamo na hinihingi ng kanilang responde ay may kinalaman sa sugalan.

Diretsuhin na natin – ito’y dahil sa tongpats na iniluluwa ng mga GL sa police officials. In fairness, may mga matitinong opisyal at mabababang ranggo na kapulisan kaya baon nila ang ating  respeto at papuri.

Gaya ng ginawang pag-aksiyon ni C/Supt. James Melad sa matagal nang inirereklamong operasyon ng STL-bookies sa Batangas.

Kung ‘di pa natin bakbakan nang todo ang kailigalan na ito ay ‘di pa kikilos ang liderato ng kapulisan.

Pinupuna man natin ang practice na ito ng kapulisan, karugtong naman nito ang papuri kay Gen. Melad at ang kanyang pamunuan dahil ni-raid ang STL-bookies den sa San Pascual town at nahuli ang 10 katao, kabilang ang financier na si ‘Nene’.

Si Nene ay isa sa nasa likod ng pamamayagpag ng STL-con-jueteng sa Batangas, kasama ang isang alyas ‘Minda’ na target ngayon ng pinalawak na operasyon ng isinasagawang intelligence group ng R-4A. Ayon sa ulat, may standing order si Gen. Melad sa Regional Service and Intelligence Group (RSIG) at Police Intelligence Service and Operation Group PISOG) ng kanyang pamunuan na i-neutralize si Minda.

Ang sentro ng operasyon ni Minda ay sa Bauan. Target pa rin ng police operation ang isang Kap. Ineo, Kap. Indo at Kap. Noel na STL-bookies operators sa San Jose at Kap. Nelson at Fress ng bayan ng San Juan.

Mistulang nasorpresa naman ang tanggapan ni Batangas PNP director, Sr. Supirentendent Ro-sauro Acio at ang pulisya ng San Pascual sa ilalim ni Chief Inspector Rommel Agbunag kaugnay ng nabanggit na raid.

Dahil nahulihan ng jueteng sa kanilang huridiksiyon, Gen. Nick Bartolome sir… ‘di ba’t malinaw na dapat tanggalin na sa puwesto si Col. Acio, Maj. Agbunag kung iyong isaalang-alang ang one-strike-policy ng kapulisan.

Hinahamon natin si Gen. Bartolome na sibakin ang dalawang nabanggit na opisyal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply