GMA nagamit sa away nina Enrile, Trillanes

GINAMIT lamang si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo upang i-veto ni Pangulong Aquino ang panukalang tuwirang maghahati sa lalawigan ng Camarines Sur.

Ito ang sinabi ni House Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Arnulfo Fuentebella matapos idawit ang pangalan ni GMA sa iringan nina Senate President Juan Ponce-Enrile at Senador Antonio Trillanes.

“Kung makapasa sa Kongreso, makaabot sa Malakanyang. Eh dahil galit si Presidente Noynoy kay GMA, i-veto ito. Pinapalabas lang si GMA interesado para magalit din ang taumbayan. Ginagamit si GMA dahil anak si Dato na congressman ng Camarines Sur,” paliwanag ni Fuentebella.

Wala naman, aniyang, mahihita si GMA sa isyung ito dahil si Dato ay walang balak kumandidato bilang Gobernador dahil tatapusin pa nito ang kaniyang termino.

Hinala ng kongresista ay si CamSur Governor Elrey Villafuerte ang may pakana ng lahat dahil nais nitong patakbuhin ang anak na 23 taong gulang at ayaw din umano nito umanong bitiwan ang natatanggap na bilyong pisong Internal Revenue Allotment (IRA).

“Si Gov. Elrey, magaling sa propaganda yan. Yan ang expertise niya. Ayaw kasing bitawan ang P1.2 billion of IRA and other funds of the local government. P728 million diyan ay discretionary funds niya. Ayaw pakawalan kahit kalaban pa ang tatay (Cam Sur Rep. Luis Villafuerte).”

Sa pakikialam naman, aniya, ni Trillanes ay galit ang mga taga-CamSur ”gigil na gigil ang mga tao. Daming nag-react, sa text, galit na galit dahil bakit siya nakikialam.”

Sina Trillanes at Gov. Elrey ay parehong miembro ng Nacionalista Party.

Ipinagtanggol din ni Fuentebella si Enrile na unang naakusahan na minadali ang pagpapasa ng panukala.

“How can the senate president be accused of railroading? Hinintay nya ng hinintay, out of courtesy and respect. Hinintay ni senate president ang aksyon ng komite. Hindi siya nagmadali. Nagtatanong lang si Rep. Louie (Villafuerte) kung bakit hanggang ngayon hindi pa naaksyunan. Bakit ba hinahadlangan? Gusto ng taumbayan na magkaroon ng plebesito. Bakit ayaw paabutin sa puntong yon?” giit ni Fuentebella.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply