Grenade blasts sa Davao circus show, inako ng NPA

INAKO ng New People’ Army ang responsibilidad sa paghagis ng granada na dapat ay para sa Philippine Army detachment pero bumagsak sa isang circus show sa Davao City noong nakaraang Setyembre na ikinasugat ng maraming sibilyan kabilang ang ilang kabataan.

Sa pahayag ng Merardo Arce Command ng NPA sa Southern Mindanao, sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalitang si Rigoberto Sanchez, ang kanilang pag-amin ay kabilang sa kanilang pagsisikap na masusing suriin at pulaan ang kanilang sarili.

Sinabi pa sa pahayag na tutulungan ng NPA ang mga biktima ng pagsabog batay na rin sa kanilang prinsipyo ng “revolutionary justice.”

Ayon sa NPA, naglunsad ang 1st Pulang Bagani Company (PBC) ng isang “tactical offensive” laban sa mga sundalo sa detachment sa barangay Fatima, Paquibato district, Davao City, pero nagkataong naroon ang isang komunidad ng mga sibilyan.

Ang nasabing opensiba ay dahil sa gusto ng NPA na gisingin ang mga sundalo at sirain ang detachment na naglalagay sa alanganin sa buhay ng mga residente.

Inamin ng NPA nagkamali sila sa kanilang plano, kasama na rito ang kanilang combat intelligence gathering at nang inilunsad nila ang kanilang opensiba laban sa mga sundalo sa loob ng detachment.

Kasunod ng malaking kamalian, sinabi ng NPA na ikinakasa na nila ngayon ang kanilang sariling imbestigasyon at nakahanda silang gumawa ng tamang hakbang, pati na rin ang pagparusa sa pamamagitan ng disiplinaryong kaso laban sa responsableng yunit ng NPA sa nasabing lugar.

Nauna nang kinondena ng army at ng pamahalaan ng Davao City ang nasabing pangyayari sa Paquibato district.

Umabot sa 41 ang bilang ng mga sugatan, kasama na ang maraming mga bata, sa nasabing insidente.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply