Grupo ng katutubo humihiyaw ng katarungan sa lider na pinaslang

MARIING kinukondena ng KATRIBU Partylist ang karumaldumal na pagpaslang ng mga elemento ng CAFGU (Civilian Armed Forces Geographical Unit) kay Genesis Ambason noong ika-13 ng Setyembre 2013 sa Brgy. Binikalan, San Luis Agusan del Sur.

Si Genesis Ambason ay isang katutubong Banwaon at Secretary General ng TAGDUMAHAN, isang lokal na organisasyon ng mga katutubo.

Ayon sa ulat ng Rural Missionaries of the Philippines-Northern Mindanao Region, si Ambason kasama ng ibang mga katutubo ay nagpapahinga lamang mula sa paglalakad nila patungo sa Sitio Tambo nang pagbabarilin ng mga elemento ng CAFGU na nasa ilalim ng pamumuno ng 26th Infantry Battalion, Philippine Army (26th IB-PA).

Sa ulat na natanggap ng grupo, nakatakbo ang mga kasamahan ni Ambason pero naiwan naman si Ambason dahil sa tama ng bala. Kinabukasan, natagpuan ang labi ni Ambason malapit lamang sa detatsment ng 26th IB-PA. Nagtamo si Ambason ng dalawang tama ng bala sa kanang dibdib, balakang at gulugod. Hinihinalang pinahirapan din si Ambason dahil sa mga bugbog sa mukha, pagkalagas ng mga ngipin at halos di na makilala.

“Ang pamamaslang kay Ambason ay patunay na nagpapatuloy ang karahasan sa mga katutubo na nagtatanggol sa kanilang mga karapatan. Hindi dahilan ang pagiging lider at kasapi ni Ambason ng isang proresibong organisasyon ng mga katutubo para siya ay patayin,” ayon kay Kakay Tolentino Secretary General, KATRIBU Partylist

Si Genesis Ambason ang ika-18 biktima ng extra-judicial killing (EJK) sa ilalim ni pamumuno ni Aquino, ayon sa grupo.  Anila, hindi lang si Ambason ang naging biktima ng grupong paramilitary. Noong 2009, may dalawang kasapi rin ng organisayong Tagdumahan ang pinatay sa magkahiwalay na insidente.

Kinukondena rin ng grupo ang pamunuan ng 26th IB-PA sa pagtatakip sa karahasan at krimen na ginawa ng mga elemento ng CAFGU na nasa ilalim ng kanilang pamumuno.
“Imbes na panagutin nila ang mga ito sa krimeng ginawa, gumawa pa ito ng kasinungalingan laban sa mga katutubong Banwaon at pinalabas na NPA ang kanilang pinatay at sinampahan pa ng gawang gawang kaso tulad ng rebelyon,” sabi ng grupo.

Nanawagan ang grupo sa pamahalaang Aquino na agarang buwagin ang ibat-ibang mga paramilitary at mga private army sa buong bansa.

Anila, “hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang pamahalaang ito para ipatupad ang rekomendasyon ni Prof. Stavehagen (United Nations Rapporteur on United Nations Special Rapporteur on the Situation of the Human Rights and Fundamental Freedoms of Indigenous Peoples) noong 2002 na nagsabing “CAFGUs be withdrawn from indigenous areas altogether within the framework of a national programme to demilitarize indigenous peoples’ territories”.

Hanggang sa kasalukuyan hindi pa umano ipinapatupad ng pamahalaan ang rekomendasyon ito. Habang pinapapayagang umiral ang ibat-ibang anyo ng grupong paramilitary sa lupain ng mga katutubo, magreresulta ito sa ibat-ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao ng mga katutubo.

Nananawagan ang KATRIBU Partylist kasama ang iba pang mga katutubo ng bansa ng hustisya para kay Genesis Ambason at sa iba pang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply