Guidelines sa paghahain ng COCs inilabas na

IPINALABAS na ng Commission on Elections (Comelec) ang guidelines na ipatutupad nito para sa paghahain ng certificates of candidacy (COCs) ng mga kandidato para sa May 2013 midterm elections na nakatakda mula Oktubre 1 hanggang 5.

Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, kinakailangang sa Oktubre 1 hanggang 5 ay nakapaghain na ng kandidatura ang mga taong tatakbo sa halalan dahil hindi na sila magpapatupad pa ng extension sa paghahain ng COCs.

Aniya, maaaring maghain ng kandidatura mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa nasabing mga petsa.

Ani Sarmiento, ang senatorial candidates ay maaaring maghain ng kanilang COCs sa Comelec main office sa Intramuros, Manila.

Ang mga tatakbo naman sa congressional posts ay maaaring maghain ng COCs sa kanilang district election supervisors habang ang mga kakandidato sa pagka- provincial governor ay sa kani-kanilang mga provincial election supervisor naman dapat magsumite ng kandidatura.

Nabatid na ang mga kandidato naman sa pagka-alkalde, bise alkalde at iba pang lokal na posisyon ay maari umanong maghain ng COCs sa kani-kanilang mga city at municipal election supervisors.

Kaugnay nito, muli ring ipinaalala ni Sarmiento sa appointed officials na nagbabalak lumahok sa halalan na ituturing silang nagbitiw na sa tungkulin sa oras na maghain na ng kanilang COC.

Aniya, kahit nakapaghain na ng COC ang isang kandidato ay maaari pa rin nitong ipagpatuloy ang kanyang promotional activities.

Magiging epektibo lamang aniya ang “prohibitions and regulations” sa pangangampanya sa oras na maipatupad ang campaign period na magsisimula sa Pebrero 12, 2013 para sa mga senador at partylist habang ang campaign period naman sa lokal na posisyon ay sa Marso 29, 2013.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply