Gulo sa Spratlys nakaamba

NAKAAMBANG magkaroon ng “malaking gulo” sa inaangking teritoryo sa West Philippine Sea kapag itinuloy ng China ang 10-year tourism plan ng Sanya City na isali ang Spratly Island at Scarborough Shoal sa ruta ng turismo nito, ayon kay Defense Secretary Voltaire Gazmin.

Sa kanyang pagdalo sa ginanap na pagdinig sa badyet ng Department of National Defense, inamin ni Gazmin na magiging karagdagang suliranin ng Pilipinas ang pinaplano ng China na buksan sa mga turista ang ilang lugar na inookupahan nila sa South China Sea.

“Magiging security concern yan kasi pag pumasok yan sa territory natin malaking problema,”wika ni Gazmin sa pulong balitaan matapos ang public hearing ng Senate committee on finance sa panukalang budget ng Department of National Defense (DND) para sa taong 2013.

Ayon sa kalihim, kinausap na niya ang counterpart niya sa China hinggil sa plano ng lokal na pamahalaan ng Sanya City na palawakin ang ruta ng kanilang cruise sa ilalim ng 10 taon na tourism development plan.

Tutuhugin umano ng cruise route ang mga isla sa Zhongsha at Nansha (Spratlys) na inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.

“Ang napag-usapan namin ay ‘wag gagawa ng aksyon para hindi lumaki yung gulo and let us keep our lines open for communication. Tuloy ang usapan para sa ganun ay maayos natin ang problema sa mahinahong paraan,”paliwanag ng kalihim.

Nang matanong kung maaari ring buksan ng Pilipinas sa mga turista ang mga okupadong lugar sa South China Sea o West Philippine Sea, sinabi ni Gazmin na tanging ang Department of Foreign Affairs (DFA) lamang ang makapagbibigay ng komento hinggil dito at hindi sila.

“Ang protocol sa atin tungkol sa mga ganyan DFA muna ang sasagot,”ani Gazmin.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply