Habagat super lakas sa QC hall at PNP?

UNANG linggo ng Setyembre ngayong taon nagbukas ang Habagat, isang night establishment sa Congressional Avenue, Quezon City na pag-aari ng isang dating floor manager ng club sa Timog at isang retiradong pulis ng Quezon City Police District.

Ondoys ang dating pangalan ng puwesto subalit bumitiw na ang dating mga may-ari kung kaya’t tinake-over ito ng retiradong pulis na sikat sa tawag na Tata Andoy at kasosyo nitong kinilala lang na alyas Millet, asawa naman ng isa ring pulis ng lungsod.

Ipinagmamalaki ng mga may-ari nito ang kanilang koneksyon sa Philippine National Police at sa Quezon City Hall. Malakas umano si Tata Andoy sa QC Hall dahil sa kapatid niya ay hepe ng isang dibisyon sa city hall habang isang tawag lang umano ng isa pa niyang kapatid na may mataas na katungkulan sa isang respetadong relihiyon ay lutas na ang problema.

Posibleng malakas nga sa city hall itong si Tata Andoy dahil sa totoo lang ay wala itong business permit simula pa noong nag-operate ang club. At ipinagmamalaki nito ang kanyang koneksyon sa pulis kaya’t kahit walang show ngunit may gimik sa kanyang club ay todo pasa na lang ang mga pulis.

Ipinagmamalaki rin ni Tata Andoy na nagbibigay siya ng parating sa Bicutan, Camp Karingal at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaya ligtas siya sa raid kahit pa may mga nagtatrabaho sa club niya na menor de edad.

Pero sa totoo lang, itinanggi ng Business Permit and Licensing Office na malakas sa kanilang tanggapan ang mga may-ari ng Habagat. Sa katunayan, ayon kay Julius Avenido, assistant ng hepe ng BPLO na si Garry Domingo, kaagad nitong ipina-check ang business permit ng nasabing establisimyento at nang matuklasang wala ay kaagad na pinapuntahan sa kanyang mga tao at ipinag-utos na ipasara.

Maging sa Camp Karingal ay itinanggi na malakas sa kanila ang may-ari ng Habagat.

Ayon sa isang opisyal, hindi nila alam na new management na ito. Sa pagkakaalam nila, pure entertainment lang ang meron sa nasabing club.

Naniniwala naman ang PAKUROT sa pamunuan ni Chief Supt. Mario dela Vega, director ng QCPD, na walang palakasan sa kanyang pamunuan. Lakas, para kay Gen. dela Vega, ay pantay-pantay kung kaya naman marami ang lumalapit sa kanyang tanggapan na bagaman paglapit ay may problema subalit nakangiti na paglabas ng kanyang opisina.

oOo

Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply