Hamon sa bagong NCRPO chief: Sakla, VK, lotteng, bookies

SINASABING ang Metro Manila ang pinakamahigpit pagdating sa mga iligal na pasugalan dahil nandito ang punong tanggapan ng Philippine National Police (PNP) at ang National Capital Region Police Office. Pero bakit talamak pa rin dito ang mga iligal na pasugalan, partikular na sa Lungsod ng Maynila?

Ayon sa source ng Lily’s Files, parang kabuteng nagsulputan sa iba’t ibang lugar na matatao sa Maynila ang mga iligal na pasugalan dahil madali raw mabigyan ng permit ang sinomang gustong maglagay.

May kaugnayan kaya sa nalalapit na election ang pagpayag ng  Manila City Hall at ng Manila Police District (MPD) na maglatag ang mga gambling lord dito?

Sa pag-upo ni C/Supt.  Leandro Espina bilang bagong NCRPO Director, mapatitigil kaya ng magiting na Heneral o dili kaya ay mabawasan man lang niya ang talamak na iligal na pasugalan?

Aber, tingnan nga natin kung  gaano kalakas ang loob nitong si Gen. Espina para maipatigil ang mga  iligal na pasugalan sa Maynila na sinasabing kontrolado umano  ng Manila City Hall at ng MPD.

Gen. Espina,  Sir , baka sakaling makatulong sa inyong mga operatiba. Ito po ay ilan lang sa mga lugar sa Maynila na hindi magalaw ang mga pasugalan dahil sinasabing napaka-untouchable ng mga  operator nito.

Itong saklaan na nasa Recto, sakop ng Police Station 2 ng Manila Police District (MPD) at ilang metro lang ang layo sa Asuncion PCP at sinasabing pag-aari ni alyas Aging.

Napaka-busy ng lugar na ‘yan pagdating ng gabi dahil dito ibinabagsak ang mga kalakal na nagmumula pa sa iba’t ibang probinsiya.

Sinisimulan daw ang operation ng saklaan kapag dumarating na ang mga biyahero mula sa iba’t ibang lalawigan.

Sinasabing ang namamahala ng operation ng saklaan nitong si Aging ay isa umanong Barangay Chairman na kinilalang si Rey Robles.

Bukod sa nasasakupan ng Police Station 5 ng MPD, ang buong Maynila ay may nakatanim na mga makina ng Video-Karera o mas kilala sa tawag na VK kung saan ang isa sa mga operator ay nagngangalang Gina Gutierrez, asawa ng dating untouchable na gambling lord na si Romy Gutierrez.

Hindi ko lang alam kung ang asawa nitong si Gina Gutierrez ay kamag-anak ni MPD Director Alex Gutierrez o kaya ay magka apelyido lang o posible rin namang ginagamit lang nito ang apelyido ng Heneral para makaiwas sa huli.

Kung saan-saang lugar naman sa Maynila nakalagay ang mga bookies nitong si SPO2 Rolando Simbulan. Wow, bigat naman ng gambling  lord na ito, hindi lang pala sa Quezon City namamayagpag ang taong ito kundi maging sa Maynila rin.

Kahit saang lugar na sakop ng  Station 3, 4, 5 at 8 ng MPD ay makikita mo ang mga nagpapataya ng pasugal na sinasabing hindi raw sila kayang hulihin ng mga pulis dahil ang namamahala raw ng intelihensiya nito ay isang retired na pulis-Maynila. Akala ko ba ayaw ni Manila Mayor Alfredo Lim ng mga iligal na pasugalan sa kanyang lugar. Eh ano ang tawag niya rito?

Sabagay, malapit na ang election at kailangan niyang maging mabait sa mga botante lalo na’t malakas ang kanyang makakalaban.

Bukas po ang Lily’s Files para  sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa  09155683000 at 09087230036 o kaya ay mag-email lamang sa lpr_2012@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply