Hindi solusyon ang mataas na sin taxes

NANINIWALA ako na hindi mapipigilan ang mga bisyo ng Pinoy gaya ng pagyoyosi at sobrang pag-inom ng alak sa pamamagitan ng pagtaas ng buwis sa mga nasabing produkto.

Sa totoo lang, kailanman kasi ay hindi naging solusyon ang mas mataas na buwis para sugpuin ang anomang bisyo.

Sa halip ay nagbibigay daan pa ito sa corruption dahil naoobliga ang mga negosyante na palusutin na lang sa pamamagitan ng smuggling ang kanilang produkto para makaiwas magbayad ng mataas na buwis.

Magkakampi kasi ngayon ang pamahalaan at ang mga nagsasabing pro-health advocates daw sila para ipasa na ang batas na magbibigay daan para taasan ang buwis ng mga “sin products” na kinabibilangan ng alak at sigarilyo.

Obvious naman na ang dahilan ng gobyerno sa pagsusulong ng nasabing hakbang ay upang makakolekta ng mas mataas na buwis dahil inaasahan nila aabot sa apat na bilyong piso ang makokolekta nila mula doon kada buwan.

Ang argumento kasi nina Finance Sec. Cesar Purisima , BIR Comm. Kim Henares at maging si Health Sec. Enrique Ona ay masiyadong malaki ang ginagastos ng pamahalaan para gamutin ang mga tao nagkakasakit dahil sa nasabing mga bisyo.

Kaya dahil doon kailangang taasan ang buwis para naman magamit na pampaganot  sa  mga taong may sakit.

Teka muna, para yatang may mali doon. Kasi ang alam ko hindi naman sinasagot lahat ng pamahalaan ang pagpapagamot ng mga may TB, lung cancer at iba pang sakit na nakuha sa bisyo.

Kailan pa ba ito ginawa ng pamahalaan? Wala namang libre sa mga ospital at doktor kapag nagpagamot na ang mga may sakit ah. Alam ko iyan dahil ang mismong biyenan ko na lalaki ay wala namang nakuhang tulong sa gobyerno ng magkasakit siya dahil sa lung cancer bunga ng paninigarilyo.

Milyon ang ginastos ng pamilya pero hanggang mamatay na siya ilang taon na ang nakakaraan ay wala namang naitulong ang pamahalaan.

Sinasabi naman ng health advocates na pabor daw sila sa mas mataas na buwis para hindi na pasukin lalo ng mga kabataan ang mga bisyo dahil nga masiyadong magastos ito.

Kailan naman naging totoo ang argumento na ito? Hindi ba nila alam na pag ginusto ng tao na magbisyo ay walang makakapigil sa kanya.

Eh kung iyong mga bawal na gamot nga gaya ng shabu, marijuana, heroin, cocaine, ecstasy at iba pa ay pagkakamahal na pero milyon-milyon pa din sa mga kababayan natin ang mga sugapa sa bisyong ito.

Sa madaling salita, hindi ang pagtataas ng buwis ang solusyon para sugpuin ang anomang bisyo.

Ang tunay na solusyon ay kailangang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga tao hinggil sa mga masamang epekto ng pagyoyosi at sobrang pag-inom ng alak.

Sa panig naman nina Kim Henares ay dapat mas galingan nila at masigasig sila sa pagkolekta ng buwis para naman madagdagan ang pera sa kabang-bayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply