Hindi trapo si Biazon

DAHIL hindi naman totoong traditional politician o trapo, mas ninais ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na manatili sa ahensiyang nais niyang linisin kaysa tumakbong senador sa darating na 2013 election.

Leadership by example ang ipinatutupad nitong batang Biazon sa Aduana kung kaya’t madali na para sa kanya na maituwid ang maling landas na tinatahak ng mga empleyado nito noong hindi pa siya ang namamahala ng Bureau of Customs (BoC).

Ngayon, ang dating pinaka-corrupt na ahensiya ay unti-unting nagbabago sa gabay ni Biazon at sa pakikipagtulungan na rin ng mga opisyal at tauhan ng nasabing tanggapan na pagbabago rin ang hangad noon pa man.

Simula nang ipagkatiwala ni Pangulong Benigno Aquino III ang pamamahala ng Aduana kay Biazon, naging “tuwid na daan” na ang tinatahak ng karamihan sa mga tauhan nito. Hindi naman kasi maiiwasang may natitira pang mga tiwali subalit sila ay mainit na sa mata ni Biazon at tiyempo na lang ang hinihintay upang bigwasan ang mga ito.

Hindi lang naman smugglers ng basic commodities at iba pang paninda ang binabantayan ni Biazon at mga tauhan nito kundi maging ang mga sindikatong may kaugnayan sa pangunahing kalaban ng tao – ang droga.

Bata pa lang ay mulat na sa masamang epekto dulot ng droga si Biazon dahil ang kanyang ama ay nasa military kung kaya’t ayaw din nitong mamayagpag ang bawal na gamot sa ating bansa na ipinalulusot ng international drug ring.

Maging ang mga nagnanais na makapagpuslit ng endangered species ay matinding monitoring din ang ipinagagawa ng komisyuner.

Sa hindi pagtakbo ni Biazon bilang senador sa ilalim ng Liberal Party, bagaman marami ang natuwa subalit mas marami ang nainis lalo na ang smugglers.

Kaya kayong mga negosyanteng nagpapayaman sa pagnanakaw, tigilan na ninyo ang maling gawain at sa halip ay lumaban na kayo ng parehas sa BoC dahil seryoso si Biazon sa kanyang tungkulin at hindi niya kayo palulusutin.

Bilang patunay na totohanan ang kanyang kampanya, isang Indonesian na drug courier ang nasakote ng mga tauhan ng BoC sa Ninoy Aquino International Airport.

May dala ang dayuhang lulan ng Emirates Flight Ek-332 mula sa Dubai na walong kilong cocaine na may street value na P40 milyon.

Kaya naman saludo ang PAKUROT sa pamunuan ng BoC-NAIA sa walang humpay nitong pagtitiyaga na makahuli ng mga nagpupuslit ng kontrabando.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply