Iligal na suplay ng kuryente ng vendors sa Baclaran, binaklas ng MMDA

NABUKING ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang illegal na supply ng kuryente ng mga vendors sa Baclaran nang magsagawa ang mga ito ng sorpresang pagsalakay kahapon ng umaga sa Paranaque City.

Winalis ng halos 100-mga tauhan ng MMDA Sidewalk Clearing Operation ang daan-daang mga vendors na sumakop sa mismong lansangan ng Redemptorist Road sa gilid ng simbahan ng Baclaran nang simulan ang operasyon dakong alas-8 ng umaga.

Kanya-kanya namang pulasan at bitbit ng paninda ang mga vendors sa pangambang makumpiska pa ang kanilang mga paninda hanggang tuluyang malinis ang lansangan sa halos isang oras lamang na operasyon.

Laking gulat naman ni Atty. Emerson Carlos, assistant general manager for operations ng MMDA nang matuklasan ang tagong linya ng kuryente sa container van na dati nilang outpost sa ilalim ng dulo ng LRT na nagsu-supply ng kuryente sa mga illegal vendors.

Ipinasiya ng MMDA na baklasin ang illegal na linya sa dati nilang outpost na kasalukuyang naging tambayan ng mga pulis at dito natuklasan ang sala-salabat na illegal koneksiyon ng kuryenteng
pinakikinabangan ng daan-daang illegal vendors.

Aminado naman ang MMDA na posibleng magbalikan muli sa naturang lansangan ang mga vendors kahit seryoso ang kanilang kampanya dahil nabibigyan umano ang mga ito ng permiso ng barangay at  lokal na pamahalaan,

Naging matahimik naman sa kabuuan ang operasyon ng MMDA laban sa mga illegal vendors sa Baclaran, hindi tulad ng mga nakaraang pangyayari na marami ang nasusugatan at nauuwi pa sa pagkasawi ng mga tauhan ng ahensiya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply