Illegal loggers tinatrabaho na ang AILTF

TULOY ang trabaho ng Anti-Illegal Logging Task Force (AILTF) kahit siraan pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ito ang pahayag ni AILTF Executive Director MGen. Renato P. Miranda.

Aniya, walang basehan ang confidential report na nagtuturo sa kanya at iba pang matataas na opisyal ng Department of  Environment and Natural Resources (DENR), DILG at maging ng Office of the President, na pakikipagsabwatan sa mga big time illegal logger sa Mindanao.

Lumabas kamakailan sa ulat ni Isoceles Otero sa namayapang DILG Secretary Jesse Robredo na may kinalaman ang AILTF sa pagpapatuloy ng illegal logging sa CARAGA region ngunit hindi pa sigurado sa kanyang impormasyon.

Gayunman, mas nabahala aniya si Miranda sa motibo ni Otero sa pagpapalabas ng report na ito.

Posible umanong nagsisimula nang kumilos ang illegal loggers sa Mindanao dahil nalalapit na ang eleksiyon.

Si Otero, miyembro ng Liberal Party, ay tumakbo bilang gobernador ng Agusan del Sur ngunit tinalo ni Governor Adolph Edward Plaza noong 2010 elections.

Ani Miranda, napag-usapan na nila ni Robredo ang nasabing impormasyon nang ipatawag siya nito sa kanyang opisina sa Quezon City isang linggo bago nangyari  ang plane crash sa Masbate na ikinasawi ng kalihim.

Sinabi umano ni Miranda kay Robredo na bagamat nagtatagumpay ang kampanya ng pamahalaan kontra illegal logging ay halos kalahating milyon naman ang nawalan ng trabaho.

Ang nasabing mga trabahador ay umaasa lamang ng ikinabubuhay sa illegal logging, kaya napag-usapan din nila ang pagbibigay ng alternatibong trabaho sa mga ito sa ilalim ng livelihood projects at Conditional Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Gayunman, handa si Miranda na maimbestigahan upang lumabas ang katotohanan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply