Imbestigahan si SBMA Director Philip Camara

MISTERYOSO ang naging bidding ng “scrap materials”, kabilang na ang walong malalaking Electric Power Generator at marami pang ibang “equipment” sa Subic Power Plant ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nitong nakaraang linggo.

Ito Ang Totoo: pangalawang bidding na ito dahil kahit may nanalo sa unang bidding noong Marso ng taong ito sa P37.1 milyon, ipinaulit ito ng SBMA Board.

Meron kasing nag-bid ng P42M sa unang bidding pero na-disqualify ng Bids & Awards Commitee (BAC) ng SBMA dahil sarado na ang bidding nang magsumite ito, bagay na ginawang “dahilan” ng SBMA board sa pagbawi. Kahit ini-award na ng BAC sa winning bid na P37.1 M at may official notification na ang bidder nito, binawi ng SBMA board ang resulta na para bang ang sariling BAC ay binubuo ng puro tanga. At eto na: Kakaiba ang nangyari patungo, hanggang at pati pagkatapos ng ikalawang bidding.

Una, ang dating P3,000 bayad sa “bid forms” ay ginawa nang P50,000, kaya sa ikalawang bid, pito na lang ang nagsumite dahil sa laki na nakadidiskurahe.

Pangalawa, nagpataw ng mga bagong patakaran tulad ng “Risk Assessment” sa lahat ng bidder para raw malaman kung may kakayahan, na kung tutuusin ay sinagot na nga ng pagkakaroon ng “bond.” At anoman ang resulta, ang “final approval” ay sa Board pa rin na talaga namang tratong ebak sa sariling BAC.

Pangatlo, pinaputok pa sa mga prospective bidder na hindi 8 kundi 6 na generators lang ang kasama sa bidding, pangdiskurahe ulit sa mga gustong sumali, na mukha talagang intensiyon ng mga pagbabago, mula bayad sa bid form, patakaran, starting bid, aktuwal na materyal, atbp.

Ito ang Totoo: Nagbitiw bilang Chair ng bagong BAC si Atty. Ma. Leonora R.Tabladillo na hepe ng SBMA Land Assets Department.

“Health reasons” ang kanyang dahilan pero usap-usapan sa bawat sulok ng mga tanggapan ng SBMA, umuusok umano si Tabladillo kay SBMA Director Philip Camara dahil ilang araw bago ang pangalawang bidding, isinama at ipinakilala sa kanya ni Camara si Cesar “Oscar” Cruz na isa sa 7 bidders sa naturang Subic Power Plant scrap materials.

Nakumpormiso at nalagay sa alanganin ang integredad ni Tabladillo at ng BAC sa ginawa ni Camara na mistulang inindorso ang bata niyang bidder, aminin man niya o hindi, tama ba Direk?

Hindi akalain ni Tabladillo, at maging ng marami, na gagawin ito ni Camara, na kung pumorma ay akala mo tagapagtanggol ng mga api, kalikasan at tuwid na daan. Bulok pala, ‘ika nga ni Sen. Juan Ponce Enrile.

At tulad ng inaasahan, nanalo nga si Cruz na bata ni Camara sa halagang umaalingasaw na P37.2 M, mataas lang ng isandaang libong piso na nanalo sa binale-walang unang bidding. Ito ba ay maniobra ni Camara at mga kasapakat niya? Ito ang tanong ng marami na nakakaalam sa nangyari kaya dapat imbestigahan.

Kung ganito ng ganito ang pa-bidding ng SBMA, mistulang walang iniwan sa Camara de Philip, este, Representantes na BUWAYA ang imahe ang kalalabasan ng bangkaroteng ahensiyang ito ng pamahalaan. Ito Ang Totoo!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply