Industriya ng sapatos sa Marikina pasisiglahin pa

UPANG ipabatid sa mga kabataan ang kahalagahan ng industriya ng sapatos sa kultura at pagkakakilanlan ng Marikina, sinimulan ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor  Del De Guzman, kasama ang Marikina Shoe Industry Development Council (MASIDC), mga magsasapatos, mga bumubuo ng akademya, at kapitan ng mga barangay ang Torch Relay, isang  aktibidad na sumisimbolo sa pag-aalab ng damdamin ng mga Marikenyo sa pagbuhay at pagpapasigla ng industriya ng sapatos ng Marikina.

Ito ay iikot sa iba’t ibang paaralan sa lungsod bilang hudyat ng papalapit na pagdiriwang ng Sapatos Festival 2012.

Sinimulan ang Torch Relay sa Sta. Elena High School noong ika-3 ng Setyembre kasabay ng pagtataas ng watawat ng naturang paaralan. Layunin ng aktibidad na ito na mapukaw ang interes at hikayatin ang mga kabataan upang pangalagaan, ipagmalaki, at ipagpatuloy ang pagpapaunlad at pagpapasigla ng industriya ng sapatos kung saan nakilala ang lungsod bilang Shoe Capital.

“Ang mga kabataang ito ang bubuo sa susunod na henerasyon ng ating lungsod. Nais nating maging bahagi sila sa pagtataguyod ng ating adhikaing patuloy na buhayin at pasiglahin ang lokal na industriya ng Marikina,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Gaganapin din ang Torch Relay sa sumusunod na mga paaralan: Kalumpang Elementary School/High School (Set.10); Industrial Valley Complex (IVC) Elementary School (Set.17); Barangka Elementary School; (Set. 24); Malanday Elementary School (Okt.1); SSS Village Elementary School (Okt.8); Kapitan Moy Elementary School (Okt.15); H. Bautista Elementary School (Okt 22); Parang Elementary School (Okt.29); Nangka Elementary School (Nob. 5); at Sto.Nino Elementary School (Nob. 12).

Samantala, ang opisyal na pagbubukas ng Sapatos Festival ay idadaos sa ika-10 ng Setyembre na gaganapin sa Patio Del Zapateros (Dating Ava and Eve Store) na nasa J.P. Rizal Street, Brgy. San Roque. May temang  “Walk This Way!”, bibigyang kulay dito ang ilang mga aktibidad tulad ng  Weekend Jammingan, Feast of St. Crispin, Shoe-per Star, Tap Dance, Shadow Dance Play, Shoe-gala,Fashion Shoe,Tour de Takong (a.k.a. Stilleto Race),Gabi ng Parangal para sa Industriya ng Sapatos, Konsyerto sa Plaza at Marikina-wide Bike Fest.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>