Itatalagang ambassador dapat insider din

HINDI naging madali ang pagpili noon ni Pangulong Noynoy Aquino sa pagtatalaga ng embahador ng Tsina nang palitan niya ang una niyang ipinadala sa ating embahada.

Kasagsagan noon ng napakaraming mga kontrobersiya sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Ngunit umani ng papuri si Pangulong Aquino nang iniluklok niya ang isang batikan, subok at marami nang karanasang pinagdaanan mula sa iba’t ibang mga bansa bilang isang foreign diplomat.

Isang career official nga mula sa Department of Foreign Affairs si Ambassador Sonia Brady, na ngayon ay edad 70 na.

Ngunit ang malungkot na balita, kailangang humanap na naman ng ipapalit kay Brady dahil sa sinapit nitong stroke sa China at babalik ito sa bansa sa lalong madaling panahon.

Sa totoo lang, hindi naman magiging mahirap para sa Pangulo na humanap ng kanyang kapalit kung pipili siya at kukuha ng manggagaling din sa DFA.

Napakaraming magagaling na mga ambassador natin na nakatakda na ring ipadala para sa kanilang foreign assignment ang naghihintay lamang ng kanilang appointment.

Noong panahon ni dating PGMA, nag-protesta ang mga career officials na ito dahil sa kaliwa’t kanang appointment ng mga politiko, talunang kandidato, kaibigan ng Pangulo at mga dating heneral.

Naging sanhi iyon ng malawakang demoralisasyon sa kanilang hanay.
Lumulusot sa butas ng karayom ang isang DFA official. Ayon sa isang ambassador, napakaraming mga eksamen ‘anya ang dapat nilang ipasa.

At hindi madaling mga eksamen, mahihirap na eksamen bago nila abutin ang ranggong ambassador!

May dating public official na na-appoint noon bilang ambassador, aba’y hari ang tingin sa sarili niya! Huwag daw siyang mautos-utusan.

Siyempre sanay nga naman siyang maraming alalay dito sa Pilipinas at siya ang nag-uutos.

May dialogue pa siyang “napakataas din ‘anya ng kanyang pinag-aralan para mag-asikaso lang sa mga tsimay!” Palibhasa’y kasama rin ang buong pamilya, reyna naman ang feeling ng asawa nito at prinsipe’t prinsesa naman ang kanilang mga anak.

Sa halip na naka-pokus sa paglilingkod ang ating mga embassy official, aligaga rin sila sa pag-aasikaso sa pamilya ng ambassador. Nakaragdag pa sa kanilang trabaho!

Pero ang masakit sa kuwentong ito ng naturang political appointee, dahil sa isyu din ng tinawag niyang mga tsimay noon, ito rin ang siyang naging dahilan ng pagkakaalis niya sa kanyang puwesto.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7157, mas kilala bilang “Philippine Foreign Service Act of 1991”, may mandato ang Department of Foreign Affairs na ipatupad ang tatlong (3) pillars ng Philippine Foreign Policy. (1) Preservation and enhancement of national security (2) Promotion and attainment of economic security (3) Protection of the rights and promotion of the welfare and interest of Filipinos overseas.

Kritikal ang trabaho ng isang ambassador. Hindi ito trabaho ng tamad at pa-pogi lamang o tipong pagpo-project lang sa abroad. Hindi pupuwedeng malakas lamang ito sa Pangulo o di kaya’y malapit sa mga malalapit sa Pangulo. Maraming dapat isaalang-alang.

Dapat talagang may alam, may karanasan, subok na matino at mahusay, at higit sa lahat, may puso sa kapwa. Dito pumapasok ang hindi matatawarang serbisyo ng ating mga ambassador taglay ang personal na interes at malasakit sa ating mga OFW.

Sila ang kumakatawan o tinatawag na alter-ego ng Pangulo. Sila ang kinikilalang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas sa ibayong dagat.

Mga ambassador na may sapat na kakayahan sa masasalimuot na usapin ng mga pulitikang pangdaigdig, palaging handang ipagtanggol ang soberenya ng Pilipinas at palaging nangingibabaw ang interes ng kanyang mga kababayang Pilipino, sa halip na pam-personal na mga interes.

* * *
Si Susan Andes a.k.a. Susan K. ay napapakinggan sa RADYO INQUIRER 990 AM (Lunes-Biyernes 12:30-2:00pm) Mag-log on sa : www.dziq.am NAPAPANOOD sa PTV 4 (Biyernes 8:00-9:00pm) at GMA NEWS TV International. BANTAY OCW FOUNDATION OPERATIONS CENTER Address: 631 Shaw Blvd, Mandaluyong City Tel Nos.: 5357209, 8819423 at 0920.968.4700. Email: susankbantayocw@yahoo.com / bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply