Janelle Manahan pinahaharap sa susunod na pagdinig

PINADADALO sa susunod na pagdinig ang kasintahan ng napaslang na si Ramgen Revilla at sugatan din sa insidente na si Janelle Manahan makaraang hilingin ng kampo ni Ramon Joseph Bautista, isa sa mga suspek sa pagpatay sa kanyang kapatid, sa Parañaque Regional Trial Court (RTC).

Ang hirit ni Atty. Jeffrey Gepte, abogado ng akusado ay bunsod na rin ng kautusan ni Judge Fortunito Madrona ng Branch 274 kay State Prosecutor Apolinar Quetulio na ilahad na ang mga pangalan ng kanilang ihaharap na testigo.

Sa paniwala ni Gepte, dapat nang i-subpoena si Manahan sa susunod na pagdinig na itinakda sa Oktubre 9  kaugnay sa hirit ng mga akusado na payagan silang makapaghain ng piyansa dahil isa siya sa mga testigo.

Hindi dumalo kanina sa pagdinig si Manahan bagamat inihayag ng kanyang abogadong si Atty. Argee Guevarra na hindi naman kailangan sa naturang pagdinig ang kanyang kliyente.

Gayunman, padadalhan na rin ng subpoena si Manahan sa susunod na pagdinig, kabilang sina Chief Insp. Ferjen Torred na humawak sa kaso at ang medico legal na sumuri sa bangkay.

Sa panig naman ng tagausig, hiniling nila sa korte na padalhan din ng subpoena sa susunod na pagdinig si Sheridan Embat, ang kasama ng isa pang suspek na si Ryan Pastera at siyang nagbulgar sa plano na umupa ng papatay kay Ramgen.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig kanina, itinuloy ng depensa ang pagtatanong sa testigong si Ruel Puzon kung saan nahirapan siyang tandaan ang mga eksaktong oras at petsa ng mga pangyayari kaugnay sa pamamaslang kay Ramgen.

Iginiit ng depensa na malinaw na hindi mapanghahawakan ang mga pahayag ni Puzon dahil hindi niya masagot ng tama ang ilang mga simpleng katanungan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply