Jueteng di kasali sa tuwid na daan ni PNoy – Bishop Cruz

DISMAYADO ang isang retiradong Arsobispo ng Simbahang Katoliko sa napaulat na plano ng pamahalaan na ipalit ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Loterya ng Bayan sa tatanggaling Small Town Lottery (STL).

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, kailanman ay hindi naging solusyon ang pagkakaroon ng panibagong sugal para mahinto ang isang uri ng sugal.

Inihalimbawa pa ni Cruz ang pagtatayo noon ng STL ng pamahalaan upang masugpo ang jueteng ngunit hindi naman ito nagtagumpay.

“Itinayo ang STL para masugpo ang jueteng, ngayon naman ay Loterya ng Bayan para masugpo ang jueteng dahil bigo ang STL. Come on!  Will you please wake up! Hindi ko alam kung matatawa ako dito o maiinis. Para daw mawala ang sugal ay sugal din ang ipapalit mo. Saan ka naman pupunta?” ayon pa kay Cruz, sa panayam sa radyo.

Kaugnay nito, naniniwala ang Arsobispo na ang usapin sa Hacienda Luisita, jueteng at KKK o Kaibigan, Kabarilan at Kaklase ay exempted sa “tuwid na daan” ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

“Sinasabi ko na sa matuwid na daan ay mayroong tatlong exemptions at nasabi ko na ito, hindi saklaw sa matuwid na daan yung jueteng at Hacienda Luisita bukod pa ang KKK. So hindi naman malalim yun eh. Talagang ang jueteng ay ayaw ipatigil,” aniya pa.

Nauna rito, inihayag ng Pangulong Aquino na ipapatigil ang operasyon ng STL sa bansa at papalitan ito ng PCSO Loterya ng Bayan.

Una na rin namang inihayag ng pangulo na hindi niya prayoridad na sugpuin ang jueteng sa bansa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply