Kalawakaw at kaputahan ng Gabriela

KALAWAKAW, ang ibig sabihin ay dumadaldal ng kulang sa kaalaman o nagtatanga-tangahan kundi talagang tanga.

Hindi natin talaga matiyak kung anong salita ito, Tagalog, Ilokano o kung ano, pero ang  sigurado, ito ang tawag ng ating mga kababata sa mga bata-batutang eng-eng sa eskwela at maging sa bidahan sa lakwatsa noong tayo ay bata pa.

Ito Ang Totoo: kalawakaw si Gabriela Partylist Representative Luz Ilagan sa usapin ng pagdaong ng submarino at barko ng mga Amerikano sa Subic.

Kundi ba naman kalawakaw, tinutuligsa ni Rep. Ilagan ang pagdating ng naturang mga barko at submarino dahil daw sa prostitusyong nililikha umano ng presensiya ng mga tropang Amerikano. Napakalaking kasinungalingan ang tinuran ng kinatawan ng Gabriela at malinaw na wala silang alam sa aktuwal na takbo ng buhay sa Subic at mga karatig lugar.

Isinara ang US Naval Base sa Subic noong 1992 dahil na rin sa ngawngaw ng mga taga-Metro-Manila at mga Senador na kahit itlog nila ay isasanla para lang makasakay sa isyu na tingin nila ay mapagkukunan ng boto.

Bunga nito, nagdusa ang mga taga-Olongapo, Zambales at Bataan, na matapos masalanta ng pagputok ng bulkang Pinatubo isang taon pa lamang noon, ay nawalan na ng pinanggagalingan ng kabuhayan, mapa-empleyo at mapanegosyo.

Puro kaputahan lang kasi ang alam ng ilan tulad ng Gabriela na pinagkakakitaan kapag may Amerikano.

Hindi nila ikinukonsidera na mas malalaking negosyo, kasama na ang empleyo, ang dala ng presensiya ng mga Amerikano, magmula sa supply ng pagkain, gamit at mga serbisyong kailangan ng mga barko o submarino, upang mapanatiling maayos at handa ang mga ito.

Katunayan, kung imumulat lang ni Ilagan at Gabriela ang kanilang mga mata, nawala at nawala noon pang 1992 ang base ng mga Amerikano sa Pilipinas pero hindi nawala ang prostitusyon. Nabago lang ang mga parokyano – naging Koreano, Hapon, Intsik at lalo na ang kapwa mga Filipino.

Kahit sa Metro-Manila, sa paligid-ligid lang ng mga malalaking himpilan ng ABS-CBN at GMA, kahit sa hindi kalayuan sa Malacañang, Kongresso at Senado, ay naglipana ang mga putahan.

Ito Ang Totoo: hindi dapat isisi sa mga Amerikano ang pagkakaroon ng mga puta, na sa totoo lang ay may kanya-kanyang istorya kung paano sila nasadlak sa hanapbuhay na anila’y trabaho lang, walang personalan.

Panis na ang argumento ng Gabriela at ni Ilagan, at kung talagang may malasakit sila sa mamamayan, isipin nila ang kabuhayan ng mga mamamayan ng Olongapo, Subic Freeport, Bataan at Zambales. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply