Kapitan, opisyal ng barko, patay sa kasama

PATAY ang kapitan at isang opisyal ng M/T Sarah Margarita makaraang pagbabarilin ng kanilang kasamahan sa loob mismo ng barkong sinasakyan habang naglalayag sa Pasig entrance patungong Bataan kaninang madaling-araw.

Ayon sa report ni PO3  Rodel Benitez ng Manila Police District (MPD)-homicide section, ala-1:30 ng umaga nang maganap ang insidente.

Kinilala ang mga biktima na sina Manuel Ramillo, kapitan ng nasabing barko, residente ng B6, L2, Montavilla Phase-2, Montalban Rizal at ang tripulante nitong si Rolando Corsiga residente ng B35, L37, Williowbend-1 Subdivision, Pandi, Bulacan

Base sa inisyal na imbestigasyon, habang naglalayag ang barko patungo sa Petron Bataan Refinery sa Lubao Bataan para magkarga ng gasolina, nagtalo ang tripulante at suspek na kinilalang si Reynaldo Bulawan, pump-man ng nasabing barko, residente ng 292 Guson Compound, Letre Road, Tonsuya, Malabon City.

Matapos ang pamamaril, inatasan ng suspek habang hawak nito ang baril at itak sa magkabilang kamay si Edwin Bisly, chief mate ng barko, na imaniobra ang barko pabalik sa ilalim ng Delpan bridge.

Nang makarating na sa ilalim ng nasabing tulay ay tumalon ang suspek sa isa pang barge dala-dala ang baril at itak upang tumakas.

Isang tama ng baril sa kaliwang kili-kili ang sugat si Ramillo habang dalawang tama ng bala sa dibdib at likuran ang kay Corsiga.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply