Kaway ng tagumpay sa Hawaii

MULA sa Hawaii ay nakilala ko ang Filipinong si Eddie Agas, presidente ng OAHU Filipino Community Council.

Ikinuwento sa akin ni Eddie kung paano niya narating ang kanyang kinalalagyan sa kasalukuyan at humanga ako sa kanyang kuwento ng kanyang tagumpay sa buhay.

Nagmula sa isang mahirap na pamilya sa Pilipinas si Eddie, magsasaka ang kanyang mga magulang at sampu silang magkakapatid. Bata pa lang ay kinakitaan na ng pangarap si Eddie, nais niyang maiangat ang kanyang sarili upang guminhawa ang buhay ng kanilang pamilya at balang araw ay makatulong sa kanyang kapwa.

Nang makapagtapos ng high school ay pumasok siya ng kole-hiyo sa St. Louis University sa Baguio, subalit hindi na niya natapos ang pag-aaral niyang ito sapagkat nang siya ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo ay dumating sa kanya ang isang oportunidad na makarating sa Hawaii na agad niyang sinunggaban.

Hindi naging madali ang buhay ni Eddie sa Hawaii. Halos wala siyang kapera-pera noong mga unang taon niya roon. Bagama’t mayroon siyang isang kapatid na naninirahan din doon ay mas pinili ni Eddie na huwag umasa rito, bagkus ay nagsikap siyang makahanap ng trabaho, kahit na maliit lamang ang kanyang sweldo.

Muli siyang nag-aral upang higit na dumami ang kanyang kaalaman at makakuha ng mas magandang trabaho, na hindi rin naman nagtagal ay naabot niya nang maging isa siyang project manager sa county of Honolulu, kung saan isa siya sa mga namamahala sa mga pagawain sa nasabing lugar.

“I make sure that they will make the plans on the structures of this facilities and then will run and answer the issues. ‘Yung mga request o information na wala sa plano, kami ‘yung magbibigay ng sagot doon,”  paliwanag niya tungkol sa kanyang trabaho bilang isang project manager.

Isa rin sa mga nakamit ni Eddie ang pagiging presidente ng isang organisasyon ng mga Filipino roon – ang OAHU Filipino Community Council o OFCC, isang organisasyon na naglalayong masiguro na maririnig ang tinig ng Filipinong komunidad sa Hawaii at nagnanais na makatulong sa mga Filipinong hindi lamang doon kundi maging dito sa bansa.

Gaya ng unang mga taon niya sa Hawaii, hindi rin naging madali para kay Eddie ang pagiging isang presidente ng nasabing organisasyon.

Nagsimula siya bilang isang miyembro roon at  hindi kalaunan naging isa siyang board member kung saan naipakita niya ang kanyang puso at matinding dedikasyon na siyang naging dahilan kung kaya siya naging isang epektibong pinuno na naghatid sa kanya sa pagiging presidente ng OFCC, hindi lamang isang beses kundi dalawa pa.

Nang akin siyang tanungin kung ano ang sikreto ng kanyang pag-unlad at pag-angat sa buhay ay ito ang kanyag isinagot: “I am always devoted at my work; you have to sacrifice something in order to get something in life.” Aniya.

Tunay nga na ang lahat sa buhay ay pinaghihirapan at hindi basta-basta darating na lang. Ito ay upang higit nating pahalagahan ang mga bagay na ipanagkakaloob sa atin ng Maykapal.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply