Kelot todas sa pamamaril sa Caloocan

TODAS ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilang suspek mula sa nagrambulang grupo ng kalalakihan sa tapat ng bahay ng una sa Bagong Barrio, Caloocan City, kaninang madaling araw.

Dead on arrival sa President Diosdado Macapagal Medical Center si Rosendo Doriano, 28, may asawa, ng KKK Brgy. 150 sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Mabilis namang nagpulasan ang hindi pa nakikilalang dalawang grupo na  nagrarambulan kabilang na ang suspek bitbit ang ginamit nitong baril.

Ayon sa imbestigasyon ni SP01 Perceval Baldemero ng Station Investigation Division ng Sub Station 1 police, dakong alas-3:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Nabatid, naalimpungatan sa pagtulog ang biktima kaya agad lumabas para alamin ang naturang kaguluhan sa tapat ng kanyang bahay.

Habang palabas sa pintuan, bigla na lamang itong pinagbabaril ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa grupo ng kalalakihan na nagrarambulan.

Patuloy na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam kung ano ang tunay na motibo sa nasabing pamamaril.

Nagpalabas na rin ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply