Korapsyon sa imprastraktura at problema sa lindol

HINDI dapat ipagwalang-bahala ang naganap na lindol malapit lamang sa Eastern Samar nitong nagdaang araw.

Naglaro ang lindol sa napakalakas na pagyanig na nasa pagitan ng 7.8 at 7.6 at maaaring naging mas malakas o kapantay ito ng lindol na 7.7 ang lakas na tumama sa Gitnang Luzon at Baguio City noong 1980.

Maswerte tayo at isa lang ang napaulat na namatay nitong nakaraang lindol kumpara sa mahigit sa 1,600 noong 1980.

Maswerte talaga tayo at nasa mahigit 110 kilometro ang layo ng sentro ng lindol sa kalupaan natin at hindi katulad noong 1980 na sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija nagmula ang lindol kaya nasapol ang malawak na bahagi ng mahal kong Pinas.

MARAMI ANG NASIRA

Sa pag-inspeksyon ng mga awtoridad at ulat sa atin ng mamamayan, marami pa rin ang nasirang mga bahay, gusali at imprastraktura ng pamahalaan gaya ng mga tulay at kalsada.

Dapat na mabilis na gawan ang mga ito ng desisyon, kung pupuwede pang tirhan, gamitin o daanan.

Ito’y para maiwasan ang disgrasya.

Dapat ideklara kaagad na condemned ang mga gusali at istraktura na malala ang sira.

Hindi na dapat na patirhan ang mga sirang bahay at gusali.

Hindi rin dapat na paraanan ang mga kalsada at tulay na natamaan.

WALANG MATIRAHAN

Para sa mga walang mapuntahan na mamamayan sa mga sirang tahanan at gusali, dapat pangunahan ng pamahalaan ang pagtitiyak ng tahanan sa mga ito.

Karaniwan kasing pinababayaan ang mga ito at hanggang sa relief goods at evacuation center lang ang ibinibigay ng kinauukulan.

Walang pangmatagalang programa ang pamahalaan sa mga ito.

Kabaligtaran ang gawa ng gobyerno sa ipinakikita nito sa katulad ng naganap sa nasawing si DILG Secretary Jesse Robredo.

Binabalikat lahat ng pamahalaan ang gastos at pinangangakuan pa ng magandang kinabukasan ang mga pamilya ng ganitong mga biktima ng trahedya.

DALOY NG EKONOMIYA

Mahalagang magawa agad ang mga tulay at daan na nasira para dumaloy ang ekonomiya ng mga naapektuhang lugar.

Alalahaning magkakarugtong ang mga bituka ng lahat, ika nga.

Ang produkto at serbisyo ng isang lugar ay kailangang maibiyahe sa iba na nangangailangan nito at magagawa lang ito kung may daraanan ang mga sasakyan.

Sa oras na hindi magawan ng paraan ang mga nasirang tulay at daan, diyan na magkakatotoo ang kasabihang ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.

May magugutom, may hindi makapag-aaral, may magkakasakit, may hindi makapupunta sa dapat nilang puntahan, may mga kontratang mawawalang halaga at marami pang iba.

GOBYERNO PARALISADO

Maging ang serbisyo ng pamahalaan para sa seguridad, kapayapaan, kaunlaran, at emergency ay mapeperwisyo.

Sa ibang salita, magiging inutil ang pamahalaan laban sa krimen, kahirapan, kamangmangan at kalamidad o disgrasya.

Dito nararamdaman ang kawalan ng silbi ng pamahalaan dahil lamang sa mga sirang imprastraktura.

MAGLABAS NG PONDO

Walang magagawa ang pamahalaan kung hindi ito agad maglalabas ng pondo para sa mga nilindol.

Ang pondong pangkalamidad ay hindi dapat na talian ng napakaraming kondisyon upang mabilis ang paglalabas at paggamit ng mga ito.

Kagyat ang mga pangangailangan ng mamamayan sa mga pagkakataong ito.

Dapat isipin na ang mga nasalanta ay hindi sa iisang araw o iisang linggo lang mangangailangan at maghihirap.

Maraming panahon ang kanilang gugugulin para makabawi.

At ito ang dapat na tugunan lalo na ng pamahalaan.

Ang consuelo de bobo ay ‘di dapat pairalin.

Maging ang electioneering.

‘Yun bang === pagpapasiklab para sa nalalapit na halalang 2013.

Marunong na kumilatis ang mamamayan sa mga kilos ng mga kinauukulan, kung consuelo de bobo o electioneering ang ginagawa ng mga ito.

Mahirap na magtampo ang mamamayan kung pakikitaan sila ng ganito.

PAGSASANAY VS LINDOL

Isa pang magandang gawin ng pamahalaan ang madalas na pagsasanay laban sa lindol.

At hindi lang dapat na isagawa ito sa mga lugar ng mga nasasalanta ng lindol.

Sapagkat maaaring maganap ang lindol kahit saan at anomang oras o araw.

Ang mga pampublikong lugar ang pinakadelikado.

‘Yun bang === pinupuntahan ng maraming tao.

Eskuwela, mall, simbahan, opisina ng gobyerno, pier, paliparan, sinehan, coliseum, condominium, palengke at iba pa.

Pero maganda ring bigyan ng pagsasanay ang mga nasa mga tahanan lamang.

Dito ko naalaala ang sinasabi ng mga awtoridad na pinakadelikadong gusali ang mga low cost housing.

Dahil mababa nga ang halaga ng mga bahay rito, marupok din ang mga ito.

At ang nakaloloko, tila pinababayaan lang ito ng gobyerno. Anak ng tokwa.

PAGSASANAY VS TSUNAMI

Hindi lang ang mga istraktura o gusali ang dapat na gawan ng pagsasanay.

Napakahalaga, mga Bro, na ibilang ang tsunami sa mga kinahaharap na problema sa lindol.

Nakita naman natin ang nakatatakot na tsunami na pumatay sa mahigit 200,000 katao noong lumindol nang malakas sa Indonesia.

Libo rin ang namatay sa Japan nitong nakaraang taon lamang.

At mayroon din tayong sariling mga patay sa mga tsunami na nagaganap sa sarili nating bayan.

Nga pala, mayroon na ba tayong sariling tsunami warning system at hindi laging nakadepende sa mga dayuhan?

Alalahaning puro isla tayo at sa lahat ng oras ay posibleng tamaan tayo ng tsunami, hindi lang dahil sa lindol kundi dahil sa napakalalakas na bagyo na tumatama sa atin.

KOMUNIKASYON PALAKASIN

‘Yang komunikasyon ng pamahalaan at mamamayan at sa hanay mismo ng mamamayan ay napakahalaga.

Ito’y dapat na tiyakin ng pamahalaan lalo’t hindi lahat ay kaya ng pamahalaan na asikasuhin ang mamamayan nang sabay-sabay sa oras ng kalamidad. O kilos na!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply