Kudeta sa Senado, kinumpirma ni Enrile

KINUMPIRMA ni Senate President Juan Ponce Enrile na may ilang senador na gustong palitan siya bilang lider ng Senado dahil hindi nasisiyahan sa kanyang pamamahala.

Sa panayam, sinabi ni Enrile na kahit gustuhin man niya na maging “happy” ang lahat ng kasamahan sa Senado, mayroon din na hindi nasisiyahan sa kanyang pamamalakad kabilang ang posisyon nito sa ilang isyung bumabalot sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

“Hindi ko naman pwedeng maging kasama ang lahat ng senador. Kung mayroong natutuwa, mayroon din medyo nadidissmaya sa aking pamamalakad. Talagan ganon eh,” ayon kay Enrile.

“Mayroon lang mga taong siguro hindi nagugustuhan ang aking desisyon dahil hindi ko mapagbigyan. Ganoon. Dagdag ng budget, posisyon sa Senado, syempre hindi ko naman mapapaligaya lahat ng tao kahit sinabi ko, “Gusto ko, happy ka!” Di ba? Mahirap nating magawa na happy lahat ng tao,” giit pa niya.

Pinabulaanan din ni Enrile na may kaugnayan ang kanyang posisyon sa kontrobersiyal Reproductive Health Bill at planong paghahati sa Camarines Sur na isinusulong ni Rrep. Louie Villafuerte na siyang mahigpit na tinutulan ng bloke ni Sen. Manny Villar.

“Hindi naman sa RH yun, to be fair with the sponsors of RH bill, they are all mature and professionals. Hindi rin sa CamSur,’ paliwanag ni Enrile.\

Lumutang ang alingasngas na nakatakdang palitan sana si Enrile sa magaganap na sesyon nitong Lunes, ngunit bilang naunsiyami ang di kilalang awtor ng kudeta dahil walang nakuhang numero upang patalsikin ang lider ng Senado.

Kabilang sa ipapalita sana kay Enrile sina Senador Ralph Recto at Sen. Manny Villar na kapwa pinabulaanan ang alegasyon. Lumutang din ang pangalan ni Sen. Franklin Drilon na ipapalit kay Enrile, ngunit maraming senador ang tumutol kabilang ang ilang opisyal at empleado ng Senado.

“Hindi ko alam. To be fair to the Liberal Party, walang move. Pati ‘yung Nacionalista Party, walang move. Personal ‘yun,” ayon kay Enrile.

Pinabulaanan ni Drilon na siya o miyembro ng LP ang nagpasimuno ng planong kudeta.

Ngunit, sinabi ni Enrile na kung may sapat na numero ang sinumang grupong gustong patalsikin siya sa puwesto, iboboto pa niya mismo ang gusto nilang gawing lider.

“That is true, I am ready to vacate my post. Bakit ko naman ipagkakait yung puwesto sa sinumang may gusto ng Senado. Ako mismo, kung makuha nila yung mayorya sa Senado, iboboto ko yung gusto nilang iboto,” ayon kay Enrile.

Bukod kina Drilon at Recto, nagpahayag ng support kay Enrile sina Senador Panfilo Lacson, Vicente Sotto III at Jinggoy Estrada dahil nasisiyahan sila sa pamamahala nito sa Senado.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply