Larawan ni ‘Mama Mary’ na nagpapadede kinastigo

KINASTIGO ng grupo ng mga kabataan ang isa sa mga larawan na nasa photo exhibit sa hallway ng ikalawang palapag ng Senado, kung saan kita ang dibdib ng Birheng Maria habang pinapadede si Hesuskristo.

“Marami naman silang pwedeng gamiting gawing modelo, pero nakakadismaya na si Mama Mary pa ang ginamit nila at ipinakita ang boobs nya sa publiko,” ayon sa lider ng grupo na si Mary Ann Santos, 3rd year college.

Sa kasalukuyan ay nakabalandra pa rin ang larawan na ito sa photo exhibit sa Senado na may pamagat na “Padede” bilang pagpo-promote ng breastfeeding na inilunsad ng tanggapan ni Sen. Pia Cayetano kaagapay ang Pinay in Action, Senate of the Philippines at UNICEF.

Bukod sa larawan, ikinalungkot din ng grupo ng kabataan ang naglabasang larawan ng senadora na tawang-tawa habang ipinakikita ng isa sa staff ng exhibit ang larawan ng Mahal na Birhen.

“Nakakalungkot na makukuhanan ng ganung litrato si Senator Pia gayong isa siya sa hinahangaan namin na mambabatas. Hindi namin ini-expect na pagtatawanan niya ang larawan ni Birheng Maria na binaboy na nga ng mga taong ito.”

Ang exhibit ay sinimulan kahapon at tatagal hanggang Setyembre 6, na ang layunin umano ay imulat  ang mga ina sa kahalagahan ng breastfeeding.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply