Libel sa Anti-Cybercrime Act, ipinababasura sa SC

NAGHAIN na ng petisyon ang isang senador nitong Huwebes sa Korte Supreme upang ipatanggal ang probisyon ng libelo sa nilagdaang anti-Cybercrime Act na naglalayong supilin ang mamamayan  na malayang makapagpahayag sa social networking sites tulad ng Facebook.

Sa kanyang 39 pahinang petisyon na isinampa sa Supreme Court, hiniling ni Sen. Teosfito Guingona  na magpalabas ng temporary restraining order laban sa implementasyon ng kontrobersyal na cybercrime prevention act of 2012 o cybercrime law.

Nakasaad ang kanyang mariing pagkontra sa pagsasabatas ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act kaya nakiisa umano ito sa milyong katao para kontrahin ang nasabing hindi makataong batas.

Sinabi ni Guingona na ang kanyang paghain ng petisyon ay walang kinalaman sa politika bagamat nalalapit ang halalan dahil kailangan lamang malinawan at matanggal ang ilang mga probisyon na lumalabag sa karapatan ng mamamayan sa nasabing batas.

Napag-alaman na una na ring naghain ng petisyon kontra sa Cybercrime Law ang limang katao para ipawalang bisa ang section 4, 6, 7, 12 at 19 ng cybercrime prevention act of 2012 o ang Republic Act 10175.

Sa 31 na pahinang petition for certiorari and prohibition with prayer for a temporary restraining order na isinampa nina Jose Disini, Jr.,Rowena Disini, Lianne Ivy Medina, Janette Toral at Ernesto Sonido, iginiit ng mga ito na ang nasabing probisyon ay labag sa fundamentals rights na pinoprotektahan ng 1987 Constitution.

Nais kasi ng grupo na pigilan ang kalihim ng DoJ at DILG, Executive Director ng Information Communications Technology Office, NBI at PNP sa pagpapatupad ng mga nabanggit na probisyon ng Cybercrime Act.

Giit ng petitioners na labag sa double jeopardy ang section 6 at 7 ng nasabing batas dahil dinoble nito ang parusang pagkakakulong kaugnay sa paglabag sa umiiral ng penal laws.

Una rito, dumulog din sa Supreme Court ang negosyanteng si Louis Biraogo para hilingin ang pagharang sa implementasyon ng kontrobersiyal na Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply