Libreng pag-aaral sa paggawa ng sapatos sa Marikina isinulong

PARA sa patuloy na pagsulong ng industriya ng sapatos sa lungsod, hinihikayat ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Marikina Livelihood Training Center (MLTC) na magpatala sa libreng pag-aaral hinggil sa shoe-making o paggawa ng sapatos.

Layunin ng kursong ito na maituro sa mga residente lalo na sa mga kabataang Marikenyo ang paraan o proseso ng paggawa ng mga matibay at dekalidad na sapatos kung saan nakilala ang lungsod ng Marikina at tinagurian pang The Shoe Capital of the Philippines.

Layunin ng programang ito na makapagbigay ng dagdag na kaalaman at mapagkakakitaan para sa mga residente ng lungsod at makahikayat ng mas nakararaming bilang ng mga kabataang Marikenyo na maaaring tumulong sa pagsusulong ng industriya ng sapatos.

Kabilang sa mga pag-aaralan sa ilalim ng pagsasanay na ito ay pagdedesenyo, paggawa ng pattern, upper-making, shoelasting, sole-attaching o pagkakabit ng suwelas, finishing at pangangalaga ng sapatos.

“Hinihimok natin ang lahat na magpatala sa pagsasanay na ating ibinibigay lalo na sa mga hindi marunong gumawa ng sapatos upang kanila itong masubukan. Hindi lamang natin ito ginagawa bilang alternatibong hanapbuhay at dagdag-kaalaman sa ating mga residente ngunit para sa muling pagbuhay at pagsulong ng industriya ng sapatos ng Marikina,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ang pagsasanay na ito ay bukas sa lahat ng Marikenyo.

Sa pagpapatala, kinakailangan lamang magdala ng mga sumusunod: photocopy ng barangay clearance, cedula, voter’s ID o voter’s verification slip, dalawang kopya ng 1×1 na larawan, at itim na ballpen.

Para naman sa mga menor de edad o wala pang 18 taong gulang, kailangang magsumite ng Voter’s I.D., at letter of consent na galing sa mga magulang o tagapag-alaga, bilang katibayan na ang mga ito ay pinapayagang mag-aral ng nasabing kurso.

Para sa mga interesado, maaaring magtungo sa tanggapan ng Marikina Livelihood Training Center sa 2/F ng Marikina Sports Park sa Brgy. Sta. Elena o makipag-ugnayan sa telepono bilang (02) 482-7172.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply