Listahan ng party-list groups ipinalalabas na

UMAPELA ang poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Commission on Elections (Comelec) na ilabas na ang listahan ng mga party-list groups na lalahok sa nalalapit na halalan sa taong 2013.

Ayon kay PPCRV chairperson Ambassador Henrietta de Villa, dapat nang maglabas ng listahan ang Comelec ng mga grupong nais lumahok sa eleksyon upang hindi ito gahulin sa panahon sa pagtugon sa mga problema.

Ilan aniya sa problemang maaaring kaharapin ng Comelec ay ang paggawa ng mga balota lalo na at nakatakda na sa Oktubre 1-5 ang pagsisimula ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato.

“Ang tagal na, hindi pa nakaka-aanounce ng resulta and to think na October 1 to 5 ay filing na ng candidacies di ba? Tapos, pagkatapos noon ay sasalain pa rin nila ang mga kandidato naman na mga pulitiko, yung nasa mainstream para sa ganun ay magkaroon sila ng sapat na panahon para sa paggawa ng mga balota dahil baka mamaya kulang na naman ang panahon sa pag-print ng mga balota dahil kailangan ang pangalan ng mga kandidato di ba?” pahayag pa ni De Villa sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Kaugnay nito, umaasa rin naman si de Villa na maglalabas na ang Comelec ng mas malinaw na guidelines sa pagpili ng mga sectoral group na lalahok sa halalan dahil maraming mga party-list group ang nakakapasok sa Kamara kahit hindi naman nila tunay na kinakatawan ang mga marginalized groups.

“Umaasa ako, I wish na sana magkaroon na sila (Comelec) ng malinaw na patakaran o guidelines sa pagsusuri nitong mga nag-aaply for partylist. Kasi marami dyan, katulad nung nangyari sa katatapos na halalan nagkaroon tayo ng mga nanalo mga kandidato, nakapasok sa kongreso pero alam naman natin na hindi sila marginalized!” ayon pa kay de Villa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply