LRT Line 2 extension hanggang Antipolo City itatayo

MAS MAPAPADALI na ang biyahe mula sa lalawigan ng Rizal, papunta sa Maynila, matapos aprubahan ng Investment Coordinating Committee (ICC) ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang pagtatayo ng Light Railway Transit (LRT) Line 2 East Extension Project.

Makakasama rito ang disenyo at konstruksyon ng 4.19 kilometrong ekstensyon mula sa ngayo’y istasyon ng Santolan (Pasig City) hanggang sa bagong istasyon  sa Masinag Junction (Antipolo, Rizal).

Ang kabuuang halaga na inaprubahan para sa LRT Santolan (Pasig)-Masinag Junction (Antipolo) Line extension project ay Php 9.76 bilyon kung saan magkakaroon ng dalawang karagdagang istasyon sa Emerald Drive sa Cainta, Rizal at Masinag Junction, maliban ito sa kasalukuyang istasyon sa Santolan, Pasig. Kapag natapos ang proyektong ito, ang kabuuang haba ng LRT Line 2 ay magiging mahigit 16.75 kilometro.

Matatandaang personal na hiniling ni Rizal Gob. Jun Ynares kay Transportation and Communication Secretary Mar Roxas,  sa kanilang diskusyon nang magkita sila sa selebrasyon ng ika-201 araw ng kalayaan ng bansang Colombia, na isama ang extension project sa prayoridad na mga proyekto ng kagawaran.

Inaasahang ang LRT line extension ay magbibigay nang mabilis at maaasahang uri ng transportasyon para sa mga mamamayan ng lalawigan ng Rizal papunta sa iba’t ibang pangunahing distritong pang-komersiyo, pang-industriya, at pang-edukasyon sa Kalakhang Maynila.

“Sa ngalan ng mga mamamayan ng lalawigan ng Rizal, nais kong iparating ang pasasalamat ng mga Rizalenyo kay Secretary Mar Roxas sa mahalagang papel na ginampanan niya na nagresulta sa pagka-apruba ng konstruksyon ng aming hiling na LRT Line 2 East Extension Project, na nakikitang magbibigay ng malaking pakinabang sa aking mga nasasakupan at sa komersyo ng probinsya,” pahayag ni Gob. Jun Ynares.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply