Maagang kampanya nina Villar, Escudero, sinopla ni Miriam

MISTULANG sinopla ni Senador Miriam Defensor-Santiago ang maagang pangangampanya nina dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar at Francis Escudero na siyang nagtulak sa mambabatas na maghain ng panukalang batas na magbabawal sa premature campaigning.

Sa kanyang pagsasalita sa ginanap na forum sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa Sampaloc, Maynila, sinabi ni Santiago na nagkaroon ng nakakalungkot na butas sa batas dulot ng kontrobersiyal na 2009 desisyon ng Supreme Court na pinapayagan ang premature campaigning.

Kaya, sabi ni Santiago, lubha nang “preposterous, ridiculous, and ludicrous” sa kasalukuyang sitwasyon.

“Maaaring legal ito ngunit ethical ba?” tanong ni Santiago sa mahigit 1,000 college students sa naturang forum.

Dahil dito, sinabi ni Santiago na nakatakda siyang maghain ng panukala upang amyendahan ang Poll Automation Law partikular ang Section 13 na nagtatakda sa isang indibiduwal na maikokonsidera lamang siyang kandidato sa pagsisimula ng panahon ng kampanya kapag nakapaghain na ang certificate of candidacy.
Ayon sa isang Comelec resolution, magsisimula ang campaign period para sa May 2013 elections sa February 12, 2013, pero simula pa ng Agosto, ilang kandidato ang ipinakikilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng traditional media tulad ng TV, radio at print.

Kabilang sa tinutukoy marahil ni Santiago sina Villar sa kanyang Hanep ang Buhay campaign ads, at Escudero na nagpapakilala ng isang produktong pagkain.

Ipinaliwanag pa ni Santiago na nagkaroon ng kalituhan sa premature campaigning nang magkaroon ng split decision ang Supreme Court noong 2009 sa kaso ng Panera vs Comelec.

Sinabi ni Santiago na maghahain siya ng kaukulang batas upang maibasura ang naturang desisyon upang inaatasan ang bawat kandidato na maghain ng kanyang Certificate of Intention to Run for Public Office o CIRPO, anim  na buwan bago sumapit ang deadline sa paghahain ng Certificate of Candidacy.

Aniya, ipagbabawal sa ilalim ng CIRPO bill ang sinumang potensiyal na kandidatto laban sa anumang pagkilos tulad ng pag-eendorso ng produkto o serbisyo, tumanggap ng anumang trabaho sa alinmang media outfit; o bumili ng anumang air time sa radio o TV o maglathala ng anumang advertisement sa pahayagan.

Bibigyan ng panukala ng kapangyarihan ang Comelec na magtakda ng kahulugan ng electioneering.

Hinikayat din niya ang kanyang audience at publiko na gamitin ang social media  tuald ng Twitter, Facebook at blogs upang magprotesta laban sa premature campaigning ng ilang senatoriables matapos siyang magbabala sa posibleng backlash sa maagang pangangampanya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply