Madadawit sa ivory smuggling ‘di kakanlungin ng simbahan

TINIYAK ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Cebu Archbishop Jose Palma na hindi nila kakanlungin ang mga masasangkot sa iligal na gawain gaya ng pagpupuslit ng ivory.

Ang pahayag ni Palma ay kasunod nang pagkakadawit ng pangalan ni Monsignor Cristobal Garcia ng Cebu sa umano’y pagpupuslit ng ivory na dating ginagamit sa paggawa ng mga religious images.

Tiniyak rin ni Palma na kaisa ng pamahalaan ang Simbahang Katoliko sa pagbabawal na gamitin ang ivory sa paggawa ng religious images.

Umapela rin si Palma sa mga deboto na itigil na ang pagbili at pangongolekta ng mga religious item na gawa sa ivory.

Gayunman, hindi umano dapat sisihin ang mga may koleksiyon nito kung nakuha nila ang ivory item noong panahong hindi pa ipinagbabawal ang pagkuha ng ivory.

Sinabi naman ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez na kung may batas laban sa ivory smuggling ay dapat itong sundin.

Sinegundahan naman ito ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, na nagsabing dapat nang itigil ang paggamit ng mga ivory sa mga imahen lalo na’t marami namang magagandang materyales na maaaring gamitin sa paggawa ng rebulto.

Kaugnay ng isyu, nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle sa publiko na hindi dapat idawit ang buong Simbahang Katoliko sa usapin.

Ayon kay Tagle hindi naman ang Simbahang Katoliko ang sangkot sa isyu, kundi ilang indibiduwal lamang.

“It is not the Catholic Church that is involved. Maybe some individuals. Make a distinction between the Catholic Church and some individuals,” ayon pa kay Tagle.

Naniniwala naman si Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ginagamit lamang ang naturang isyu upang mabahiran ang magandang imahe ng simbahan at mawalan ng kredibilidad dahil sa pagtutol sa kontrobersiyal na isyu ng Reproductive Health (RH) bill.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply