Maliksi kinasuhan sa Ombudsman

SINAMPAHAN ng kasong paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act si dating Cavite Governor Erineo ‘Ayong’ Maliksi sa Office of the Ombudsman ng limang residente na apektado ng itatayong Light Rail Transit line extension project sa lalawigan ng Cavite.

Sa 43-pahinang reklamo nina Jovelyn Santiago, Flordeliza Gordola, Rolando Gordola Jr., Noligie Gonzales at Flordeliza Fajardo na mga direktang naapektuhan ng naturang proyekto, hindi tinupad ng dating opisyal ang nilalaman ng MOA.

Ang hindi pagsunod ni Maliksi sa kasunduan sa pagitan ng LRTA ang isa sa dahilan upang maantala ang pagpapatayo sa naturang proyekto.

Unang nagkaroon ng kasunduan ang lalawigan ng Cavite at LRTA noong 2008. Sa naturang MOA naglaan ang LRT Authority ng P500M sa provincial government, sa pangunguna ni Maliksi, para sa pagpapatayo ng bahay o relokasyon sa 2,000 pamilyang tatamaan ng nasabing proyekto.

Sa liham ni Mel Robles, dating administrator ng LRTA, ang P500M ay ginugol lang sa pagtatayo ng 180 bahay.

Dahil dito, lumalabas na nagkakahalaga ng P2.77M ang bawat low cost housing na kung susundan ang kasalukuyang kalakaran, ang isang low cost housing ay nagkakahalaga lang ng P250,000.

Nabatid, na ang konstruksyon ng LRT line extension ay hindi masimulan dahil sa kakulangan ng itinayong bahay na relokasyon sa mga squatter.

Ang kasalukuyang LRT line 1 ay tumatakbo mula Roosevelt, Quezon City hanggang Baclaran, Pasay City. Ang extension ng linya sa Bacoor ay magdaragdag ng walong istasyon at inaasahang magsisilbi sa apat na milyong residente ng Parañaque, Las Piñas at Cavite.
Una na ring nagpadala ng Notice of Disallowance ang Commission on Audit sa tanggapan ng dating provincial governor bilang pag-uutos sa dating gobernador na bayaran o ibalik ang nagastos na pondo.

Ang abiso ng COA ay ipinasa sa dating gobernador upang sagutin subalit hindi alam kung ano ang naging tugon nito.

Ang LRT Cavite extension project ay nagkakahalaga ng kabuuang P60B at ito ang isa sa pangunahing infrastructure projects ni Pangulong Benigno Aquino III.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply