Manila deadly roads

Ika-15 ang Pilipinas sa pinakamataas na insidente ng mga namamatay sa road accidents na ayon sa ulat ng United Nations na nakalap noong 2009.

Kasama ito sa report na inilabas para sa UN Decade of Action for Road Safety, mula dekada 2010-2020.

Noong nakaraang linggo, inilunsad ng Goodyear ang kanilang taunang paghahanap sa Bayani ng Kalsada, isang proyekto na naglalayong itaas ang antas ng mga nagmamaneho sa mga kalye ng Pilipinas, lalo na sa mga pampublikong sasakyan tulad ng taxi, jeep at bus.

Dito, nabanggit ni DOTC Assistant Secretary Dante Lantin na mayroong tinatayang 38 katao na ang namamatay sa lansangan ng ating Pilipinas araw-araw.

Kung nakatatakot ang bilang na ito sa isang araw, isipin n’yo na mahigit sa 13,870 kada taon ang biktima ng road accidents.

Pinakamalaking dahilan sa mga aksidenteng ito ang tinatawag nilang DRIVER ERROR o ‘yung pagkakamali ng mga nagmamaneho sa kanilang ginagawa. 78% o halos walo sa bawat sampung aksidente ay dahil sa driver error.

Sa 38 namamatay sa aksidente, apat dito ang tinatawag na Dead on the Spot, sabi nga ng mga pulis. ‘Yung hindi na nadala man lang sa ospital at sa kalye na namatay.

Ang ulat na ito ay hindi nakabibigla kung iisipin natin, dahil sa araw-araw na pagsampa natin sa lansangan ay kitang-kita na ito.

Mula sa mga bus at jeepney driver na tila ganun na lang kung magmay-ari ng kalye, sa mga taxi driver na kung humarabas ay parang wala nang bukas, hanggang sa mga private vehicle na kulang na lang makipagbanggaan sa kapwa sasakyan.

Idagdag pa natin dito ang mga traffic enforcer ng MMDA sa mga siyudad sa Metro Manila na walang ginagawa, hindi alam ang ginagawa, at magulo ang ginagawa at nakikita na natin ang dahilan sa likod ng napakalaking bilang ng mga nasasawi.

Ang Bayani ng Kalsada ay isang napakahusay na proyekto na nasa ika-anim na taon na ngayon.

Layunin nito na parangalan ang ilang mga driver na nagpapakita ng magandang asal para naman gayahin ito ng nakararami.

At marami nang naparangalan ang Bayani ng Kalsada.

Subalit kailangan pa rin ng proyektong ito ang suporta ng private sector at pamahalaan upang mabawasan ang 38 namamatay araw-araw sa lansangan natin.

Coordinated effort, disiplina, mas mahigpit na testing sa mga binibigyan ng lisensiya at masakit na parusa sa mga violator ay ilan lamang sa nakikita nating solusyon.

Hindi puwede na ang batas ng Makati ay iba sa Quezon City at sa MMDA.

Dapat tayo mismo ay sumama sa pagkilos na ito, dahil masyadong mataas ang 38 tao kada araw.

React at ira_p@hotmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply