Maralita magpipiket sa DILG

HABANG nagbabarikada ang mga maralita sa Silverio Compound sa Paranaque at Gautemala sa Makati, lulusob naman ang iba pang grupo ng maralitang lungsod na kasapi ng Kadamay at Alyansa Kontra Demolisyon sa tanggapan ng DILG upang hamunin si Interior Secretary Mar Roxas na aksyunan ang mararahas na demolisyong kinakasangkutan ng mga LGU at ng kapulisan.

Ayon sa mga maralita, malinaw umano ang ginagawang paglabag ng mga lokal na pamahalaan na pagtataboy sa mga maralitang lungsod palabas ng Metro Manila sa ngalan ng kaunlaran. Nagiging marahas pa umano ang mga ito sa pakikisangkot at minsan ay pangunguna pa ng mga armadong elemento ng mga SWAT at pulis sa paggiba ng mga barikada ng maralita.

Hindi dapat pinapalampas ng bagong talagang kalihim ng DILG ang mga bagong kaso ng mararahas na demolisyon, at sa halip ay dapat maging prayoridad pa ito umano ng nasabing kalihim.

Ani Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay, dapat ay agarang bumalik na si Roxas sa bansa at ipag-utos nitong ihinto ang mga mararahas na demolisyon. “Ang pagdalo ni Roxas sa isang Expo ay mangangahulugan lamang ng mas marami pang kaso ng pagpapalayas sa maralita kapalit ng mga negosyong popondohan ng mga dayuhan Malinaw na nagpapakita lang ito na ang pangunahing interes ni Roxas ay negosyo at hindi serbisyo sa tao,” dagdag pa ni Arellano.

Si Sec Roxas ay delegado ng bansa sa China-ASEAN Expo na nagsimula isang araw bago pinal na naaprubahan ang pagkatalaga sa kanya bilang kalihim noong nakaraang lingo. Inaasahang matatapos ang nasabing expo sa Set 25.

Higanteng ‘tsinelas’

Sa kilos protesta ngayong araw, isang higanteng tsinelas ang dala ng mga maralita sa opisina ng DILG taglay ang mga hamon nila sa papasok sa Interior secretary. Nauna nang nagpahayag si Roxas na isang malaking ‘tsinelas’ ang kailangan niyang punuan sa pagpanaw ng dating kalihim.

“Tila mahihirapan si Roxas na tapatan ang naunang ipinakita ni Robredo na espesyal na ‘concern’ sa mga maralita, at ipagpatuloy ang sinumulan ng dating kalihim na serbisyo publiko. Kailangan munang talikuran ni Roxas ang pagsisilbi sa interes ng kanyang angkang malalaking negosyante upang maipakita niyang karapat-dapat siya sa katungkulan,” ani Arellano.

Ayon sa Kadamay, si Roxas ay tagapamandila ng mga Public-Private Partnership program ni Aquino na siyang nasa likod ng kalakhan sa mga demolisyon ng mga maralitang komunidad sa Kalakhang Maynila.

Moratorium sa demolisyon

“Upang ipakita ni Roxas na siya ay maka-mamamayan, maari siyang mag-order ng isang moratorium sa demolisyon upang masawata ang malawakang paglabag ng administrasyong Aquino sa karapatan ng mga maralitang-lungsod,” ayon kay Arellano.

Sa tala ng Kadamay, nasa 16,000 pamilya na ang nawalan ng tirahan sa unang dalawang taong ni Aquino, habang 10 mga maralitang biktima ng pamamaslang kaugnay sa mga nabanggit na demolisyon at mga usapin sa paninirahan ng maralita. Matatandaang 2 beses na nag-utos si Robredo ng isang tigil-demolisyon, una noong Disyembre 2010 matapos ang marahas na demolisyon sa North Triangle, at ikalawa noong Abril 2012 matapos ang demolisyon sa Silverio Compound, Paranaque.

Magsusumite rin ang mga grupo ng isang liham sa opisina ni Roxas taglay ang kanilang kahilingan para sa isang tigil-demolisyon at onsite development para sa mga maralita. Umaasa ang mga maralitang mauuna ang kanilang agenda sa listahan ng mga kagyat na haharapin ng kalihim sa pagbalik nito mula sa Tsina.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply