Maralita ng North Triangle, muling magbabarikada sa EDSA

UPANG kondenahin ang mararahas na demolisyon sa Kamaynilaan at ang panibagong banta ng pagpapalayas sa mga residente ng North Triangle, Quezon City, magsasagawa ngayong umaga ang mga kasapi ng Kadamay North Triangle at ang lokal na alyansa sa komunidad na September 23 Movement ng panghaharang sa northbound lane ng EDSA.

Taunang ginagawa ng mga residente ang nasabing aktibidad upang gunitain ang anibersaryo ng makasaysayang ‘Battle of EDSA’ dalawang taon na ang nakakaraan kung saan matagumpay na naitaboy ng mga residente ang kapulisan at demolition team matapos ang palitan ng mga bato at pagbabarikada sa EDSA.

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, chairperson ng September 23 Movement, ang ginawa nilang panghaharang ngayong umaga ay simbolo ng kanilang galit sa administrasyong Aquino sa walang humpay na madudugong demolisyon ng mga kabahayang ng mga maralitang lungsod, kabilang na ang pagpatay sa 10 lider maralita sa Metro Manila at Timog Katagalugan.

Sa pagtatapos ng buwan ay muli na namang nahaharap sa banta ng demolisyon ang mga taga-North Triangle partikular ang mga nakatira sa tabing EDSA na nakatanggap ng panibagong Notice of Eviction mula sa National Housing Authority. Itatayo ang Quezon City Central Business District o QCCBD sa North at East Triangle na kasalukuyang inuukupa ng aabot pa sa 20,000 pamilyang maralitang lungsod, ayon sa Kadamay.

“Dalawang taon na ang nakakalipas, at marami na ang nasaktan at napaslang sa iba’t ibang barikadang bayan, ngunit nanatiling relokasyon sa malalayong lugar at walang kabuhayan ang alok ng gubyerno sa mga maralitang biktima ng demolisyon,” ani Bagasbas. Nanatili umanong bulok ang programa ni Aquino sa paninirahan, at inuuna ng pangulo ang interes ng mga negosyante at dayuhan.

Ayon sa NHA, higit sa 7,000 pamilya na ang kanilang nailikas patungong relokasyon sa Rodriguez, Rizal mula sa North Triangle at karatig komunidad simula ng makasaysayang ‘Battle of EDSA.’ Ngunit ayon kay Bagasbas, ibayong kahirapan, kawalan ng serbisyong panlipunan gaya ng ospital at suplay ng kuryente at tubig ang kinaharap ng mga residente. Marami rin sa mga housing units umano ang inabot ng baha sa mga nakaraang mamalaking pagbaha. “Hindi masisi ng gubyerno ang mga nagparelocate na sa Montalban sa pagbalik nila sa North Triangle. Andito rin sa Maynila ang pinagmumulan ng kanilang kabuhayan,” dagdag ni Bagasbas.

Panawagan kay PNoy

Ngayong umaga ay maglulunsad ang mga residente ng isang lugaw protest sa Agham road bilang simbolo ng kahirapang patuloy na kinakaharap ng mga residente, at isang pamisa para gunitain ang anibersaryo.

Sa ganap na 10:30am ay lalabas ang mga residente sa kahabaan ng EDSA at pansamantalang hinarang ang trapiko sa northbound lane ng superhighway. Ilaladlad nila ang isang 20 feet na itim na streamer na may laman ng kanilang mensahe kay Aquino. Hiling ng grupo sa pangulo ipahinto ng demolisyon sa mga maralitang komunidad, at bigyang katarungan ang biktima ng mga extra-judicial killings.

Ani Bagasbas, hindi sila magdadalawang isip na ulitin ang marahas na ‘Battle of EDSA at Agham’ sa mga darating na mga araw, kung magpapatuloy ang demolisyon sa kanilang komunidad sa panibagong banta ng demolisyon. “Basura at hindi tao ang trato ni Aquino sa mga maralita. Dapat na rin siyang itapon sa basurahan ng kasaysayan kagaya ng mga nauna sa kanyang presidente na ibinagsak ng people power sa EDSA,”sabi ni Bagasbas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply