Mga abogado ng ina ni Ramgen pinagbibitiw sa kaso

IBINUNYAG ng ina ng napaslang na si Ramgen Revilla sa media na may nag-alok ng malaking halaga sa kanyang mga abogado upang bitawan na at abandonahin ang kaso kaugnay sa pagkakasangkot ng kanyang mga anak sa krimen.

Batay sa kanyang pahayag sa mga miyembro ng media matapos ang pagdinig sa sala ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Judge Fortunito Madrona ng Branch 274 hinggil sa hirit ng akusadong si Ramon Joseph “RJ” Bautista na makapaglagak ng piyansa, sinabi ni Genelyn Magsaysay na may nag-alok na milyong halaga ng salapi sa kanyang mga abogado upang bumitiw na sa kaso.

Tumanggi naman si Magsaysay na ibulgar kung sino ang taong nasa likod ng pag-aalok ng salapi na naganap umano sa Alabang bagama’t idinugtong niya ang pagkadismaya at sentimyento sa ama ng kanyang mga anak at maging ng mga kaanak na hindi umano sumusuporta sa kanila at sa halip ay mistula pa silang ibinabaon.

“I’m being brave not for myself but for my children. I have eight children who are alive and in need of love and care. But where is the father of my children?” ang madamdaming pahayag ni Magsaysay sa media.

Kinuwestiyon din ni Magsaysay ang hindi pagbibigay ng halaga ng pulisya bilang ina ng biktima sa kanyang opinyon at itinuon lamang umano sa kanyang mga anak ang imbestigasyon bilang mga suspek.

Sa pagharap naman ni Ronald Ancajas, ang personal assistant ng biktimang si Ramgen bilang testigo sa pagdinig kanina, itinuro niya si RJ Bautista na nakita niyang lumabas ng gate noong gabi ng Oktubre 28, 2011 nang mapaslang ang kanyang amo at kasintahang si Janelle Manahan.

Idinugtong pa ni Ancajas sa pagtatanong ni public prosecutor Apolinar Quetulio na nakita rin niya na sumunod na lumabas ng gate ng bahay si Ramona Belen Bautista at inisip niya na gigimik lang ang dalawa kaya muli siyang bumalik sa pagtulog.

Ginising na lamang aniya siya ng mga pulis at barangay officials at pinosasan matapos sabihin sa kanya na pinatay ang kanyang amo.

Sinabi ni Ancajas na labis siyang naapektuhan sa pagkamatay ng kanyang amo dahil bukod sa pagkahabag ay nawalan na rin siya ng hanapbuhay.

Gayunman inamin niya sa korte na tumanggap siya ng kabuuang P50,000 bilang pabuya matapos na humarap bilang testigo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply