Mga dayuhan bilib sa Pinoy

BILIB na bilib ang maraming dayuhan sa galing at kakayahan ng ating mga kababayan. Iyan ang dahilan kung bakit gustong-gusto ng mga foreign employer ang ating mga OFW.

Pero ang nakalulungkot, mas bilib pa ‘anya sa kanila ang ibang lahi kaysa sa mismong kapwa Pinoy.

Tulad na lang ng ating mga inhinyero…. maraming mga proyekto, gusali at maging mga tulay ang naitayo nila sa iba’t ibang panig ng mundo, na masasabing direktang naging kabahagi sila. Mga Pilipinong inhinyero ang nagdisenyo at tumapos ng mga proyektong iyon.

Sa kanilang mga talino at galing ipinagkakatiwala at ipinauubaya ng mga dayuhan maging ang maseselan nilang mga proyekto. Kaya naman, taas-noo ang bawat Pinoy na ipagmalaking sila ang gumawa o nagtayo ng samu’t saring mga  proyekto sa ibayong dagat.

Ngunit kamusta naman pagdating ng magaling na Pinoy rito sa Pilipinas? Nakapagtatakang hindi kayang ipagkatiwala sa kanya ng kapwa Pilipino ang ilang mga proyektong sa paniwala naman niya’y kayang-kaya naman niya at simpleng bagay pa nga iyon kung ikukumpara sa napakarami na niyang mga proyektong nagawa sa abroad.

Bukod sa palaging may pagdududa ang kapwa Pinoy sa kanyang kakayahan, gagawin na lang siyang assistant ng isang dayuhan (expat) dito mismo sa sariling bayan.

Iyan ang labis na ikinalulungkot ng ating mga OFW kapag ninanais na nilang magbalik sa bansa. Lalo pa ang mga manggagawang may sapat na kaalaman naman, kakayahan at galing na naipakita na sa ibayong dagat.

Nais din nilang ibahagi ang mga karanasang natamo mula sa abroad, bukod pa sa kagustuhang makasama nang muli ang pamilya at hindi na malayo sa mga ito.

Nasasambit tuloy nila na mabuti pa ang mga dayuhan bilib sa kanila, kaysa mga kapwa Pilipinong wala na ngang kabilib-bilib, minamaliit pa ang kanilang mga kakayahan!

TULISAN SA DUBAI?

Isang text message mula kay Mike Daud ng Cagayan de Oro City ang ipinaabot nito sa Bantay OCW hinggil sa kapatid nitong si Melanie Panda na namatay sa Dubai noong Mayo 20, 2011. Tumawag daw mismo sa kanya ang employer nito at sinabing nilusob ang kanilang bahay ng mga tulisan at napatay si Melanie, na nagkataong nagsosolo noon sa kanilang bahay. Gayong nakapagsampa na ‘anya ng reklamo ang pamilya nito sa DFA-Davao ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.

Agad naming tinawagan si Mike on-the-air sa Radyo Inquirer 990 AM na nasa Cotabato na noon upang hanapin ang mga dokumento ng kapatid na OFW.

Ayon kay Mike magtatapos na sana noong Disyembre 2011 ang dalawang taong kontrata ni Melanie nang matanggap nila ang tawag mula mismo sa among Kuwaiti national at ibinalitang napatay nga raw si Melanie ng mga Indiyanong tulisan na lumusob sa kanilang bahay.

Noong Mayo 19, 2012, isang araw bago natanggap ni Mike ang tawag mula sa Dubai, nakausap pa niya si Melanie. Wala namang nabanggit na reklamo ito laban sa kanyang employer at napag-usapan lamang nila ang apat na mga anak ni Melanie. Bilin nito kay Mike na kung sakaling magpapaalam ang anak niya upang mag-domestic helper sa Saudi, huwag ‘anyang papayagan ito ng tiyuhin dahil nakatapos naman ito sa pag-aaral. Biyuda na si Melanie.

Ang labis pa naming ipinagtataka, hindi pa pala naiuuwi ang bangkay ni Melanie, kung napatay nga itong talaga sa Dubai, gayong mahigit isang taon at apat na buwan na itong naitawag na namatay.

Agad kaming nakipag-ugnayan kay Labor Attaché Delmer Cruz ng ating Philippine Overseas Labor Office sa ating Philippine Embassy sa Dubai, UAE. Ikinagulat din ni Cruz ang naturang sumbong dahil wala naman ‘anyang kaso ng mga tulisan na napapaulat doon. Agad ‘anyang magsasagawa ng imbestigasyon ang ating konsulado at makikipag-ugnayan na rin sila sa Dubai Immigration.

BANTAY OCW SA RADYO INQUIRER 990 AM

MAKINIG po kayo araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes, 12:30 -2:00 p.m. Kasama natin sina Dr. Ernie Baello, cardiologist ng Phil. Heart Center, migration anthropologist Dr. Clement Camposano, Dr. Herb- Efren dela Cruz, Informatics President & CEO Leo Riingen sa Usapang TEKI, OSM President Rear Admiral Adonis Donato, Kabalikat ng Marino President Leo Santiago, maritime lawyer Dennis Gorecho, PTC VP for Operations Capt. Ronaldo Enrile, lawyers Atty. Dante Mercado, Atty. Amic Alfafara, Atty Elvin Villanueva, financial counselor “Josa” Joyce Delovieres, life coach Dr. Randy Dellosa at Navy Villoria.

* * *

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapanonood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International. BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply