Mga Kano sa MM pinag-iingat ng US Embassy

NAGBABALA ang US Embassy sa lahat ng American citizens sa Metro Manila na mag-ingat at maging alerto sa hindi tinukoy na nakaambang panganib.

Natunugan umano ang banta sa mga American citizen ng mapagkakatiwalaang security forces at mananatili ang kaukulang alerto hanggang Oktubre 10.

Ayon kay US Ambassador Harry Thomas, ipinag-utos niya ang pagdaragdag ng seguridad sa lahat ng US government facility sa Maynila partikular yaong nasa Pasay City dahil narito ang housing facility ng mga US government personnel.

Nag-ugat ang advisory at emergency message sa mga US citizen sa kabi-kabilang protesta sa iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas dahil sa anti-Islamic film na kumakalat sa internet. Inatake ang US Embassy sa Libya kamakailan dahil sa nasabing video na ikinasawi ni US Ambassador Christoper Stevens sa Benghazi.

Pinayuhan din ng advisory ang mga US citizen na maging low profile at baguhin ang nakagawiang travel routes at social routines. Sinabi rin ng embahada na ikonsiderang kanselahin muna ang anumang pagtitipon at selebrasyon.

Nais din ng embaha na agad na ipaalam ang anomang pangamba sa seguridad sa mga awtoridad ng lokal na pamahalaan o sa PNP.

Pinaalalahanan din ang mga US citizen na lumayo sa mga demonstrasyon dahil kahit mapayapa ang mga ito sa simula ay may posibilidad na maging marahas at magulo ang mga ito.

Pinag-momonitor din ang mga US citizen sa local media ukol sa mga kaganapan at magbasa sa website ng Metro Manila Development Authority para malaman ang mga lokasyon kung saan may kaguluhan, kung mayroon man.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply