Mga maralita susugod sa Korte Suprema

MAGMAMARTSA ngayong umaga ang daan-daang mga maralitang kasapi ng Kadamay sa Metro Manila at Alyansa Kontra Demolisyon patungong Korte Suprema upang hilingin sa bagong upong si Chief Justice Maria Lourders Sereno na maglabas ng agarang hatol sa kasong may kinalaman sa laban sa paninirahan ng milyon-milyong maralitang lungsod sa bansa.

“Bagama’t isang Malacanang appointee si CJ Sereno, malaki ang kanyang magagawa para biguin ang pananalasa ng administrasyong Aquino sa paninirahan at kabuhayan ng mga maralita,” ayon kay Carlito Badion, Kadamay national vice chair at convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon.

Nauna nang nagsampa ang grupo ni Badion noong Marso 23, 2012 ng ang isang kasong kumuwekwestyon sa ‘constitutionality’ ng ilang seksyon sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Ayon kay Badion, ang UDHA ang nagbibigay katwiran sa mga demolisyon sa kabila ng kawalan ng mahusay na programa sa pabahay ng gobyernong Aquino para sa maralita.

Hahamunin din nila si CJ Sereno at ang iba pang mahestrado na agarang pumusisyon pabor sa mga maralita kaugnay sa nabanggit na kaso. “Malinaw na maiiwasan ang mga mararahas na demolisyon tulad ng naganap kahapon sa komunidad ng Guatemala sa Makati kung maibabasura ang mga mapanlinlang na bahagi ng UDHA, partikular ang Seksyon 28.a at 28.b,” ani Badion.

Sa kasong isinampa na isang ‘Petition for Prohibition and Mandamus under Rule 65 of the Rules of Court,’ binabanggit rin ang pandaigdigang karapatan ng maralita para sa disenting paninirahan ayon sa Art. 25 of the Universal Declaration of Human Rights. Gayundin ang naging report ni Mr. Miloon Kothari, UN Special Rapporteur on the Right to Adequate Housing, na nagsasaad na “may karapatan ang bawat tao para sa sariling bahay, at lupa.”

Sa kabila nito, ani Badion, malinaw pa rin sa umano kanila na ang nakasalang na kaso ay isa lamang sa mga paraan upang mapigilan ang mga demolisyong kinakaharap ng sektor sa buong bansa.

“Nanatili pa ring sa malakas na pagdepensa ng mga komunidad sa pamamagitan ng mga barikdang bayan nakakamit ng mga maralita ang kanilang karapatan para sa disenteng paninirahan,” dagdag ni Badion.

Ayon sa datos ng Demolition Watch Network, higit sa 16,000 sa Metro Manila pa lamang ang naging biktima ng malawakan at mararahas na demolisyon sa higit 20 komunidad sa ilalim ng administrasyong Aquino, ngunit patuloy pa itong nadaragdagan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply