Mga Pinoy na sasama sa canonization ni Calungsod, di magti-TNT sa Italya

HINDI magti-TNT (tago ng tago) o mag-o-overstaying sa Italya ang mahigit 1,000 pilgrims o mananampalatayang Pinoy na makikiisa sa canonization ni Blessed Pedro Calungsod sa Oktubre 21 sa Roma.

Ito ang tiniyak ni Cebu Archbishop Jose Palma, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Italian Embassy kasunod nang papalapit na takdang araw ng kanonisasyon ni Calungsod.

Ayon kay Palma, siniguro niya sa embahada ng Italy na nabigyan ng sapat na paliwanag at katekismo ang mga taong dadalo sa canonization kaya’t kumpiyansa silang hindi sasamantalahin ng mga ito ang pagkakataon upang makapanatili sila sa naturang bansa.

“Ito yung in-assure namin sa Embassy na lahat ng precautions, lahat ng mga orientations, lahat ng Cathechesis ay ibinigay namin sa mga pilgrims. We go there to celebrate the canonization and not take this opportunity para mag-stay sila doon, hindi maganda yun,” pahayag pa ni Palma, sa panayam sa radyo.

Sinabi pa ni Palma na hanggang dalawang linggo lamang ang pinakamatagal na pamamalagi ng mga pilgrims sa Roma dahil apat hanggang limang araw lamang naman ang pinaka-importanteng araw para sa canonization ni Calungsod, na magiging ikalawang Pilipinong santo.

“Usually, binibigyan ng Embassy ng sapat na panahon, pero sabihin na lang natin na kasama ang pilgrimage ay mahaba na ang 2-weeks sa normal na pilgrimage. Nasa 4 to 5-days ang intense event sa Roma na may connection sa canonization and all the rest ay pilgrimages na,” paliwanag pa ni Palma.

Kaugnay nito, lubos naman ang pasasalamat ni Palma sa mga tumulong at nakiisa sa matagumpay na paghahanda sa pinakahihintay na canonization.

Sa ngayon aniya ay handa na ang lahat ng kakailanganin para sa kanonisasyon at ang mismong araw na lang ng pagdiriwang ang kanilang hinihintay.

Kumpiyansa rin ang arsobispo na mula sa paghahanda ay magbubunga at magpapayaman ng pananampalatayang Katoliko ang canonization ng Visayan Martyr.

“Sana nga po yung inaasahan natin na ito po ay magbubunga ng ating pasasalamat at pagpapahalaga sa ating mga adhikain. Sana nga po ang mensahe ni Pedro Calungsod, yung kanyang love for the Lord at ang kanyang pananampalataya ay maging gabay natin upang maging mabuting tagasunod ni HesuKristo,” aniya pa.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply