Motor kinarnap sa MPD HQ

PARANG ang hirap na paniwalaan na natangay ng hindi kilalang lalaki ang bagong motor na nakaparada sa mismong compound ng Manila Police District (MPD) gayung nagkalat ang mga pulis dito.

Hindi makapaniwala ang 33-anyos na si Edielberto Estefanio na ang kanyang bagong motor na Honda TMX na may plakang 5647-TA ay mawala habang ito ay nakaparada sa mismong compound ng MPD headquarters sa may United Nations Avenue, sa Maynila.

Bago iparada nitong si Edielberto ang kanyang bagong motor ay nagtanong pa ito sa mga naka-duty na pulis sa gate ng MPD headquarters kung saan puwedeng maiparada ang kanyang motor at itinuro naman doon sa designated area kung saan ay may nakaparadang 34 na motor na ang iba ay pag-aari ng mga pulis at ilang taga-media.

Nang maiparada ang nasabing motor ay ini-lock pa nito ang manibela bago pumunta sa tanggapan ng Anti-Carnapping Unit ng MPD para humingi ng certification sa kanyang dating motor na tinangay noong nakalipas na Agusto 24 habang nakaparada sa YMCA sa tapat ng Manila City Hall.

Makalipas ang halos isang oras at makuha ng biktima ang kanyang sadya sa tanggapan ng ANCAR ay agad itong umalis ngunit laking gulat nito nang makitang wala na ang kanyang bagong motor na nakaparada, may sampung hakbang lang ang layo nito sa hagdanan ng MPD headquarters.

Sinasabing napakahigpit daw ng mga naka-duty na pulis sa gate ng MPD Compound, pero bakit nalusutan sila at natangay ang motor na nakaparada sa mismong parking area?

Attention, Supt. Edgardo Cariaso, District Headquarters Support Unit  (DHSU) ng MPD.

Aba, sir, wag kayong tutulog-tulog sa inyong airconditioned na opisina habang ang inyong mga tauhan ay abala naman sa kung ano-anong bagay sa gate ng MPD headquarters kung kaya napapasok kayo ng masasamang loob. Paano na lang pala kung ang nakapasok ay isang terorista, eh, ‘di  mabubulaga na lang kayo na may nangyayari na pala sa loob ng headquarters.

Sa pangyayaring iyon ay nasabi tuloy ng ilang tao na naroon sa loob ng MPD headquarters na hindi na pala safe ang magparada ng sasakyan dito dahil hindi na natatakot ang mga kriminal na gawin ito sa mismong loob ng compound ng tinaguriang Manila’s Finest.

Pinaniniwalaan namang posible umanong pulis ang tumangay sa nasabing motor dahil hindi maglalakas-loob ang isang sibilyan na pumasok at mangarnap ng sasakyan sa loob ng headquarter ngMPD.

Naku, MPD Director, Sr. Supt. Alex Guttierrez, sana ay huwag ninyong palampasin ang nangyaring ito dahil pag nagkataon baka mapasok na kayo diyan ng mga masasamang loob.

Ang dami-dami ninyong opisyal diyan na nakatengga bakit ‘di n’yo bigyan ng pagkakataon na humawak ng puwesto hindi yung tutulog tulog lang kaya ‘di alam kung may nakapasok na saloob ng headquarters.

Hindi po ako namemersonal Col. Cariaso, dahil hindi ko naman kayo kilala, nagkataon lang na naroon ako sa Press Office ng MPD ng matangay ang nasabing motor at nakita ko kung ano ang ginagawa ng inyong mga pulis sa gate ng MPD headquarters.

Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at kumento, mag-text lang po sa 0915-5683000 at 0908-7230036 o kaya ay mag-email lang sa: lpr_2012@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply