Muntinlupa chief of police, sinibak sa pwesto

SINIBAK sa pwesto bilang hepe ng Muntinlupa Police si Senior Superintendent Ramiro Bausa dahil sa diumano’y kapabayaan matapos magkaroon ng holdapan sa harap ng isang mall at isang bangko ang pinasabugan sa Alabang, Muntinlupa.

Kung hindi pa sa matatapang na security guard na nakipagpalitan ng putok sa mga holdaper, malamang na natangay lahat ang mga salapi ng isang armored car na nasa harapan ng Alabang Town Center na magdedeliber umano ng cash sa Czarina money changer bagaman nakuha ang isang duffle bag na naglalaman ng pera .

Isa sa mga holdaper ang napatay ng mga security guards na nakilalang si Pepito Paler habang dalawang gwardya ang sugatan sa nasabing engkwentro na sina Lope Bacomo at Alexander Sablado na tinamaan ng bala sa katawan subalit nasa ligtas ng kondisyon matapos isugod sa ospital.

Sa pagsabog na naganap sa Sterling Bank ilang metro ang layo sa holdapan sa mall, ilang mga empleyado ng bangko at gwardiya ang nasugatan ng mabasag ang salamin na pinaniniwalaang galing sa isang rifle grenade. Hinihinala ng mga pulis na isa itong bahagi ng taktika ng mga holdaper para lituhin ang mga awtoridad.

Sa utos ni Philippine National Police chief Director General Nicanor Bartolome, agad pinalitan si Bausa ni Senior Superintendent Conrad Capa ,hepe ng Southern Police District directorial staff na hahawak sa posisyon sa dalawang posisyon ng sabay.

Napag-alaman na nasibak na si Bausa noong isang taon sa kaparehong posisyon bilang hepe ng Muntinlupa Police chief ng makahuli ang NBI ng mga mananaya at kubrador sa iligal na sugal sa Muntinlupa bilang bahagi ng one-strike -policy ng PNP subalit naibalik din ng mapatunayan na hindi jueteng ang nahuli noon kundi ibang uri ng number games.

Humiling naman si Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro kay NCRPO chief Leonardo Espina ng dagdag na pwersa upang mapalakas ang pwersa ng lungsod lalo na sa mga business centers na sakop nito.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply