Namamalimos, palaboy bawal sa Makati City

PAPATAWAN ng kaukulang parusa ang sinuman na mahuhuling nagbibigay at nanghihingi ng limos sa mga palaboy at pulubi sa mga lansangan sa Makati City.

Sa ilalim ng naturang batas, papatawan ng multang P500 o pagkakabilanggo ng hindi lalagpas sa dalawang taon ang mahuhuling namamalimos habang P20 lamang ang multa sa mga mahuhuling nagbibigay ng limos. Ilang sector din ang nagtutulak upang ma-amyendahan ang naturang batas na binuo noon pang 1978.

Sinimulan na rin ng Makati Social Welfare Department (MSWD) ang pagpapalawak ng kaalaman sa publiko kaugnay sa batas na nagbabawal sa pagbibigay o panghihingi ng limos sa lansangan kasabay ng pagpapaigting sa proyektong “Sagip-Tao” na naglalayong mawala na sa lansangan ang mga palaboy at pulubi.

Ayon kay MSWD chief Marjorie De Veyra, mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon, nakapangalap na sila, kasama ang pulisya, public safety department at Bantay-Bayan ng kabuuang 58 palaboy at pulubi na pawang mga taga-Makati at 131 na taga-ibang lungsod na lumalaboy sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue at iba pang lansangan.

Sinabi ni De Veyra na bagama’t maganda ang layunin ng mga nagbibigay ng limos sa mga pulubi sa lansangan, hindi naman ito nakakatulong upang himukin ang mga palaboy na kabataan na iwasan na ang pamamalimos sa mga lansangan at sa halip ay nagiging daan pa upang mahimok ang mga palaboy, may kapansanan at mga matatanda na manghingi ng limos.

Sa halip, aniya, na magbigay ng limos sa mga pulubi, mas makabubuti na mamahagi na lamang sila ng donasyon sa lehitimong charitable institution o foundation na tumutulong sa pamahalaan upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kinakalap na palaboy na kabataan at mga pulubi sa lansangan.

Kabilang naman sa proyektong inilunsad ang pamamahagi ng kalatas ng MSWD sa mga pangunahing lansangan sa lungsod na nagpapaalala sa mga motorista sa batas na nagbabawal sa pagbibigay at panghihingi ng limos sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law o PD 1563.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply