Namumulitika at ang taggutom na darating

KUNG papansinin ninyo, mga Bro, ang mga palabas sa telebisyon, may halo nang pulitika ang pinalalabas ng mga politiko na advertisements.

May nagsasabi ukol sa kanilang pagbibigay ng magandang edukasyon at pagsasanay na nagtitiyak ng trabaho, may nagsasabing kontra sila sa korapsyon at kung ano-ano pang kaek-ekan.

HINDI SARILING BULSA GALING

Unang kapansin-pansin ang pagiging opisyal ng mga politiko na gustong magpakilala sa mga botante sa halalang 2013.

‘Yun bang === nahalal sila kaya sila nasa gobyerno o produkto sila ng appointment ng nasa itaas.

Ang tanong, eh, saan galing ang ginagastos ng mga hinayupak na ito?

Dahil opisyal nga sila ng pamahalaan at may mga pinamumunuang ahensya o miyembro kaya sila ng government organ, tiyak na hindi sa sarili nilang bulsa galing ang mga ginagastos para sa pahaging nila ng kandidatura  sa 2013 elections.

GASTOS GALING SA MAMAMAYAN

Sa puno’t dulo ng punto sa gastos, ang mamamayan ang gumagastos para sa kanila.

Kasi ang pondo ng kani-kanilang mga ahensya ang ginagamit sa advertisements.

At ang mga pondo ng kani-kanilang mga ahensya ay galing sa buwis, kabilang na ang expanded value added tax sa langis, kuryente, tubig,  toll at road user’s tax, multa, prangkisa, lisensya at iba pa na binabayaran ng mamamayan sa pamahalaan.

SILA ANG SIKAT

Sa kanilang mga advertisement, sikat sila.

Sila ang gumawa ng ganito at ganun para umano sa mamamayan.

At tuloy-tuloy umano ang kanilang serbisyo sa bayan.

Nakalilimutan nila, mga Bro, na simula nang nahalal  o na-appoint sila sa puwesto, tungkulin nila ang maglingkod.

At ‘yang mag-isip at magsagawa ng ikabubuti ng mamamayan ay tungkulin nila.

Kung hindi, wala silang anomang karapatan na mapuwesto sa pamahalaan.

NAKASENTRO SA MGA POLITIKO

Lahat ng nilalaman ng kanilang mga advertisement ay nakasentro sa kanilang mga sarili para iboto sila sa 2013.

Kung mayroon mang isinasama na mukha sa kanilang ads, nagmumukhang may utang na loob pa ang mga ito.

Sabagay, kung personal na gastos ng mga politiko ang kanilang gamit kahit sa pagtulong sa mamamayan, walang anoman ang pag-appear ng mga ito na nakinabang sa mga politiko at ahensyang kanilang kinakatawan.

Pero nananatiling katotohanan na ibinabalik ng mga politiko sa kanilang mga sarili ang pabor na ibinibigay nila sa mamamayan.

Ito ang mapait na katotohanan sa paggamit ng pondo at puwesto ng gobyerno.

KANDIDATONG SENADOR

Kandidatong senador ang mga maiingay sa telebisyon.

At may nagsisimula na ring mag-appear sa iba pang anyo ng media gaya ng radio at pahayagan.

Malawak kasi ang campaign area nila, buong Pinas, at mahirap na abutin ang lahat ng mga botante sa lahat ng lugar kung sa campaign period pa sila magpapakilala at magsasabi na kandidato sila.

Katwiran ng mga mokong na ito, daig ng maagap ang masipag.

MAGBITIW MUNA

Suwerte ang mga reelectionist na senador dahil hindi yata sila kailangang magbitiw sa puwesto bago sila kumandidato ulit.

Base ito sa karanasan na kapag kumandidato ang mga ito na Presidente o Bise Presidente, kahit natalo sila ay balik sila sa Senado.

Pero yung iba ay hindi elected kundi appointed.

Kinakailangan nilang magbitiw sa puwesto sa oras na naghayag sila ng kandidatura.

Kaya sinasamantala ng mga hinayupak na ito ang pondo ng kani-kanilang mga ahensya para magpabango sa taumbayan.

Kahit umaalingasaw pa ang kani-kanilang mga ahensiya sa mga katiwalian.

KILALANIN SILA

Marami sa mga kandidatong ito ang hindi maramdaman ng mamamayan bago dumating ang paghahayag ng kani-kanilang mga partido na sila’y kandidato.

Pruweba ang pagiging absent ng mga ito sa eksena sa mga kalamidad.

Kamakailan lang naging buhay ang mga ito nitong panahon ng habagat na napakagandang pagkakataon para sa indirect campaigning.

Nagpiyesta ang mga ito sa kakakaway sa mamamayan habang patungo sila para tumulong daw.

Pero kahit kailan ay hindi nila itinuturo na galing mismo sa mamamayan ang kanilang itinutulong. Gusto nilang palabasin na lahat ay galing sa sariling bulsa at kusang palo nila ang lahat.

Ayaw nilang malaman ng mamayan na ginigisa ang mga ito sa sarili nilang mantika
POLITIKO AT TAGGUTOM

May darating na taggutom, mga Bro. ‘Yun bang === kakambal  ng El Niño.

Tiyak na maraming magsasaka ang masisiraan ng mga palayan kaya naman wala silang maaani.

Dahil dito, liliit ang suplay ng bigas sa palengke. Diyan naman magtataas ang presyo ng bigas.

Habang magkakaroon ng taggutom sa hanay ng mga magsasaka dahil sa kawalan o maliit nilang ani, daranasin naman ng mga obrero sa mga kalunsuran ang hirap sa pagmamahal ng bigas.

Malamang na darami ang pagbagsak ng kakayahan ng mga obrero sa pagbili ng bigas at matatanawan ang pagbili ng 1/4 kilo sa halip na isang kilo.

Darami rin ang maglulugar at mag-noodles na lamang. Kasunod ito ng panghihina ng katawan at pagkakasakit ng maraming mamamayan.

O mga pulitikong mapagsamantala, maghanda kayo para rito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply