Nanampal ng traffic constable pormal nang kinasuhan
TATLONG prosecutors ang nakakita ng katibayan para tuluyang makasuhan ng direct assault ang opisyal ng Philip Morris Tobacco Corp. na nanampal ng isang traffic enforcer sa Quezon City .
Inirekomenda ni Asst. City Prosecutor Victorino Badua ang reklamong inihain ni traffic constable Saturnino Fabros ng MMDA laban kay Robert Blair Carabuena makaraang aprubahan ni First assistant city prosecutor Meynardo Bautista at 2nd ACP Joel Atanacio, Division Chief II ang naturang kaso.
Samantalang inabsuwelto naman sa kaso ang nakababatang kapatid nitong si Benjamin.
Sa video footage na isinumiteng ebidensiya, nakitang umaawat lamang si Benjamin sa kapatid habang sinusugod si Fabros.
“The charge against the other respondent (Benjamin) is recommended dismissed.”the prosecutor’s office’s two-page resolution read.
Inirekomenda nina Bautista, Atanacio at Badua ang halagang P12,000 na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Carabuena kaugnay sa kaso nito na itinakda ang raffle sa Huwebes ng alas 2:00 ng hapon .
Nanatiling nakakalaya si Carabuena at hindi pa rin nagsusumite ng kanilang ebidensiya para mapasinungalingan ang alegasyon ni Fabros.
Sa batas aniya sa ilalim ng Article 148 ng Revised Penal Code, lumitaw aniya ang limang elemento ng direct assault upang mapatunayan ang akusasyon ni Fabros laban kay Carabuena.
Nag-ugat ang kaso ng sitahin ni Fabros si Carabuena habang sakay ng magarang Volvo (XCF-871) matapos tumawid sa red light sa panulukan ng Capitol Hills Drive at Tandang Sora Avenue na nangyari noong Aug. 11 ng hapon.
Sinasabing lumabas ng kanyang kotse si Carabuena bago sinigawan si Fabros at dinuro-duro hanggang sa sampalin sa mukha bago umalis.
You must be logged in to post a comment Login