Nawawalang crime czar

ILANG araw bago ang SONA ay pinanindigan ng Philippine National Police sa pangunguna ni PNP Director General Nicanor Bartolome na base sa kanilang tala ay mas mababa ang antas ng kriminalidad ngayong taon kaysa noong mga nakaraang taon.

Ang pahayag ay ginawa sa kabila ng katotohanan na bago pa magdaos ng SONA ay sunod-sunod ang krimen, at ang iba pa nga ay high profile, na naganap partikular dito sa Metro Manila.

Ang katuwiran ng pamunuan ng PNP noon ay masiyado lang daw nabibigyang pansin ng media ang ilang ulat sa kriminalidad kaya parang nagiging mataas tuloy ang bilang at dumarami ang krimen.

Sa madaling salita, sinisisi nila ang mga reporter dahil sa ginagawa nilang sensationalist reporting. Iyon ang palusot nila noon.

Nauunawaan ko naman sila dahil obligado silang mag-papogi at magpinta ng maganda at maayos na datos na puwedeng gamitin ni Pangulong Noynoy sa SONA niya.

Pero kahapon ay tuluyan nang inamin ng PNP na totoo nga na talagang tumaas ang bilang ng krimen ngayong taon lalo na rito sa Kamaynilaan.

Lumalabas sa rekord ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na umaabot sa 29,231 krimen ang naitala sa Metro Manila sa unang anim na buwan pa lang ng taon.

Gusto ko lang isingit na sa bilang na iyan ay hindi pa kasama ang ilang krimen na kung saan ay hindi na nag-abala pa ang mga biktima na mag-ulat sa pulisya.

Pero kapansin-pansin na bagama’t hindi naman talaga kumpleto ang tala ng NCRPO ay lumalabas na mas mataas pa rin ng 57 porsiyento ang bilang ng kriminalidad ngayon kaysa sa 18,671 na naitala no-ong isang taon.

Ano ang ibig sabihin niyan? Nakakaalarma na ang pagiging mas malupit at mapusok ng mga kriminal ngayon kaya hindi na sila mapigilan ng pulisya.

Sa totoo lang ay wala ng sinasanto ang mga kriminal at  katunayan kahapon lamang ay dalawang pulis ang tinodas ng riding in tandem sa Caloocan City.

Walang takot ang mga kriminal dahil walang mukha ang crime fighting sa bansa.

Kailangan natin ng isang simbolo gaya noong panahon ni dating PNP Chief at ngayon ay Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kung saan ay ipinakita niya kung paano labanan at sugpuin ang mga kriminal.

Siyanga pala , ano ba ang ginagawa at nagawa na ni Executive Secretary Jojo Ochoa na siyang kasaluku-yang anti-crime czar ng bansa?

Bakit parang nawawala siya at dedma lang sa mga nangyayaring kriminalidad?

Mukhang masiyado siyang busy kaya hindi na niya maharap ang trabaho niya kaya dapat lang siguro na ibigay na niya ang puwesto na iyan sa isang tao na mas may panahon para sugpuin ang kriminalidad.

Mahirap naman kasing kunin niya ang trabaho tapos hindi naman niya kaya, tuloy ang resulta ay lumalalang peace and order situation sa buong bansa.

Anong sey niyo?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply