NCAA men’s basketball: Knights lumalapit sa Final 4

ILANG laro na lang ang nalalabi bago matapos ang elimination round subalit hanggang ngayon ay wala pa ring kasiguruhan kung sino ang sasampa sa Final Four ng nagaganap na 88th season ng NCAA men’s basketball tournament.

Sa 10 team na kasali, lima ang malaki ang pag-asang pumasok sa semifinals, tatlo ay maliit na lang ang tsansa habang ang dalawa ay laglag na sa kontensyon.

Solo sa top spot ang defending champion San Beda College Red Lions kagat ang 11-2 panalo-talo karta habang nasa pangalawang puwesto ang San Sebastian College Stags na may 11-3 baraha.

Magkasalo sa third to fourth spot ang Jose Rizal U Heavy Bombers at Perpetual Help Altas na may tig 8-5 card subalit nakadikit sa pang-limang puwesto ang host Letran Knights tangan ang 8-6 win-loss slate matapos kaldagin kahapon ang College of Saint Benilde Blazers, 97-83.

Pumukol ng career at season high 35 points at tig-five rebounds at assists si Kevin Alas upang palakasin ang tsansa ng Letran na makakuha ng silya sa semis.

Lumapit din ang last year’s runner up Stags sa Red Lions ng talunin nila ang Mapua Cardinals, 77-62 na ginanap sa The Arena sa San Juan bago ang panalo ng Letran.

Sinagpang naman ni Calvin “The Beast” Abueva ang ika-apat na triple-double ngayong season para sa SSC.

Tumikada si reigning MVP Abueva ng 21 points, 20 boards at 10 assists.

Samantala, may tig-18 laro ang lahat ng teams sa elims kaya naman puwede pang makahirit ang Cardinals, na may 5-9 karta, Emilio Aguinaldo College Generals at Arellano U Chiefs na may tig-5-8 baraha.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply