Northrail impeachment vs PNoy, tinawanan lang

TIWALA ang isang solon na maibabasura lamang ng Kamara de Representantes sakaling may maghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino kaugnay sa Northrail Project.

Paglilinaw pa ni Citizens Battle Against Crime and Corruption (CIBAC) Party list Rep. Sherwin Tugna na wala namang makakapigil kung mayroong isang tao na gustong maghain ng impeachment laban sa pangulo.

Sa panig naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ay sinabi niyang malabo ang anumang ihahaing impeachment complaint dahil bukod sa walang basehan ay hindi naman binulsa ng pangulo ang pera.

Ani Evardone, ang dapat na tanong ay kung nagamit ba ng tama ang Northrail loan mula sa Cina.

Samantala, maging si House Majority Leader Neptali Gonzales ay natawa lamang sa posibleng paghahain ng impeachment laban sa Pangulo.

Ipinaliwanag ni Gonzales na walang kasalanan ang Pangulo sa nasabing proyekto subalit nananatili ang obligasyong bayaran ang anumang pagkakautang ng nagdaang mga administrasyon.

Ang reaksyon ng mga kaalyado ng Pangulo sa kamara ay bunsod sa naunang pahayag nina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Atty. Harry Roque na posibleng masampahan ng impeachment complaint ang Pangulo dahil sa pagpayag nitong bayaran ang China ng nasabing halaga gayung hindi naman natuloy ang proyekto.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply